SINOPLA ni Pres. Rodrigo Roa Duterte si US Pres. Donald Trump dahil sinisikap umano nito na maisalba ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at ng United States. Inatasan niya si Foreign Affairs Sec. Teodoro “Boy” Locsin Jr. na ipadala ang liham sa US Embassy na nilalagot o binubuwag na ng Pilipinas ang VFA.

Nang matanggap ito ng US Embassy, agad tumugon si Trump ng “fine” at hindi niya iniintindi ang terminasyon o pagtatapos ng VFA ng dalawang bansa na matagal nang magkaibigan at magkaalyado. Pinasalamatan pa niya ang Pilipinas dahil makatitipid sa gastos ang US sa pagbuwag sa kasunduan.

Kung susuriing mabuti, sinopla rin ng US President ang Pangulo ng Pilipinas nang ihayag nitong okey lang kung ayaw ipagpatuloy ang kasunduan. Makatitipid pa nga raw ang bansa ni Uncle Sam dahil ititigil na nito ang anumang ayudang pinansiyal at militar sa ‘Pinas na laging tinutulungan sa panahon ng kalamidad at banta ng terorismo.

Sa panig naman ni US Defense Secretary Mark Esper, sinabi niyang isang maling direksiyon ang ginawang pagputol ng Pangulo ng Pilipinas sa VFA. Sa English, ganito ang pahayag ni Trump na itinuturing na isang pandaigdig na bully: “I never minded that very much, to be honest. If they would like to do that, that’s fine. We’ll save a lot of money. You know, my views are different than other people. I view it as ‘Thank you very much. We save a lot of money’”.

Binigyang-diin ni Trump na tumulong ang US forces sa PH military at single-handedly na tinapos nito ang limang buwang Marawi siege noong 2017. Nagkaloob ang US forces ng ayudang teknikal para sugpuin ang pagsakop ng mga militant na kaalyado ng Middle East-based Islamic State (IS).

Ibig bang sabihin ni Trump ay hindi tumulong ang kinakaibigang China at Russia ni PDu30 sa pagsawata sa Marawi siege? Dagdag pa ni Trump: “Tinulungan namin ang Pilipinas. Tinulungan namin silang magapi ang ISIS. Tandaan na halos nasakop ng ISIS ang Marawi at single-handedly nailigtas namin ang Pilipinas sa vicious attacks (ng mga terorista).

Gayunman, sinabi ni Trump na kahit pinutol na ni PRRD ang VFA, mananatili ang kanilang good relationship. “Tingnan natin kung ano pa ang mangyayari. Kailangang sabihin nila ito sa akin,” ani Trump. Sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na iginagalang nila ang deklarasyon ng US president na sa pagbuwag sa VFA, makatitipid pa ang US.

oOo

Sa balita noong Huwebes, kinumpirma ni DILG Sec. Eduardo Año na si Police Lt. Col. Jovie Espenido ay kasama sa narco list ng Pangulo at siya’y iimbestigahan. Si Espenido ay na-relieve sa kanyang puwesto sa Bacolod City at ngayon ay kabilang sa 357 police officers na kasama sa watchlist.

Ayon sa report, bukod kay Espenido ay may dalawa pang PNP Brigadier General ang kabilang sa narco list ni PRRD. Si Espenido ang itinuturing na “poster boy” ng Pangulo laban sa illegal drugs. Siya ang hepe ng Albuera PNP nang mapatay si Mayor Rolando Espinosa sa loob ng selda.

Siya rin ang hepe ng PNP Gingoog City nang mapatay si Mayor Reynaldo Parojinog Jr., asawa nito, kapatid na board member na si Octavio Parojinog Jr. at kapatid na babaing si Mona. Samantala, sinabi ni Sen. Leila de Lima na nakapiit sa Camp Crame na lubhang nakapagtataka ang pagkakasama ni Espenido sa listahan.

Sabi ni De Lima: “Maaaring maraming nalalaman si Espenido kaya siya ay target na rin ngayon. Wala na ba siyang silbi sa kanila? O siya ngayon ay banta sa kanyang top boss dahil sa kanyang nalalaman?” Tingnan at abangan na lang natin ang susunod na mga pangyayari.

-Bert de Guzman