“ANG prangkisa ng ABS-CBN ay napakahalaga hindi lang dahil mayroon silang 11,000 na manggagawa, kundi dahil din sa ating bansa at demokrasya. Bakit? Makapag-o-operate pa rin naman sila hanggang Marso 2022,” wika ni Speaker Alan Peter Cayetano. Kahit mapaso, aniya, ang prangkisa ng ABS-CBN sa Marso 30, kapag binigyan ito ng provisional authority to operate ng National Telecommunications Commision (NTC), makapagpapatuloy pa rin ito sa kanyang operasyon. Imumungkahi niya sa House franchise panel na magsumite sa NTC ng dokumento na sumusuporta sa pansamantalang lisensiya para sa ABS-CBN. “Makikinig ang NTC. Kaya, kapag nagbigay ang panel ng opisyal na bagay, sa palagay ko ang pagkakasunduan ay habang tinatalakay namin ang isyu, walang dahilan para ipasara ito,” sabi pa ni Cayetano.
Hindi kami taga-Taguig G. Speaker para maipalusot mo ang ginawa ninyong magasawa sa inyong bayan na para makakandidato kayo sa magkahiwalay na distrito nito ay magkahiwalay din kayong mag-asawa ng tinitirahan. Ngayon naman, nais mong magtalusira sa napagkasunduan ninyo ni Cong. Lord Velasco na term-sharing na malapit nang maging epektibo. Gusto mong sakupin ang buong termino ng pagiging Speaker. E, si Pangulong Duterte ang namagitan sa inyo, kaya nabuo ang kasunduan, kaya nasa kanya na kung papayagan kang sumira sa usapan na, ayon sa Pangulo mismo, ay “gentemen’s agreement.”
Kung sa ganito titingnan, na siyang dapat sa nag-iisip, ang tinuran ni Speaker Cayetano ay pambobola lamang. Ang Pangulo mismo ang hayagang nagsabi sa publiko na ayaw nang bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN. Kaya, nagsampa ang kanyang “attack dog” na si Solicitor General Jose Calida ng quo warranto para mapawalang bisa ang kasalukuyang prangkisa nito. Ganito ang ginawa ng dalawa nang patalsikin sa pwesto si datong Chief Justice Sereno. Kaya, nauna na ang quo warranto ni Calida ay dahil hindi na nakakatiyak ang Pangulo na makukuha niya ang suporta ng Kongreso sa layuning pagkaitan nang prangkisa ang ABS-CBN. Alam din ito ni Cayetano.
Kaya, iyong tinuran ni Cayetano ay naaayon sa layunin ng Pangulo laban sa prangkisa ng ABS-CBN. Pinakikipot niya ang larangan ng labanan na hindi maganda para sa giant media network. Ayaw ni Cayetano ang plenaryo ng Mababang Kapulungan ang magpasiya. Gusto niya sa House panel na lang at sa NTC. Bago makarating sa NTC ang isyu, sa House franchise panel muna. Magbibigay ito sa NTC ng resolusyon na sumusuporta sa pagbibigay nito ng pansamantalang permiso sa ABS-CBN para mag-operate. E, magmumungkahi muna si Cayetano sa panel, ayon sa kanya. Ipagpalagay natin na nagsumite ng resolusyon ang House panel sa NTC, malaking isyu kung magbibigay ito ng pansamantalang lisensiya sa ABS-CBN. Nasa ilalim ito ng Pangulo na noon pa man ay hindi niya itinago ang kinikimkim niyang galit sa ABS-CBN. Sa kabilang dako, expire na ang prangkisa nito. Tama lang na maagang kumilos ang taumbayan para ipakita na nila ang kanilang sariling lakas. Isyu rito ang kanilang kalayaan at karapatan bagamat ang prangkisa ng ABS-CBN ang nakataya. Hindi ang personal na damdamin ng iisa o iilang pulitiko laban sa ABS-CBN.
-Ric Valmonte