NGAYONG opisyal nang nagpaabot ng abiso ang Pilipinas sa Unites States na tinatapos na nito ang Visiting Forces Agreement (VFA) at sumang-ayon na si President Donald Trump, sa pagsasabing makakatipid ito ng malaking halaga para sa US, maaaring matanong kung may balak bang gawin ang dalawang bansa hinggil sa Mutual Defense Treaty (MDT) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na kaugnay ng VFA.
Ang MDT at EDCA ay ilang pangunahing kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa, na nangangakong magtutulungan ang bawat isa sa kaso ng pag-atake ng ikatlong partido. Ang VFA ay isa lamang kasunduan para sa pagsasanay at paghahanda ng kanilang tropa na nakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng regular na pagsasanay.
Sa pananatili ng MDT at EDCA, mananatiling magkaalyado ang Pilipinas at US. Patuloy silang magpapalitan ng mga impormasyon laban sa kanilang ‘common enemies,’ tulad ng mga teroristang grupo katulad ng ISIS na sumama sa Maute group sa naging pag-atake sa Marawi City noong 2017. Bago ito, sa insidente ng Mamasapano noong 2015, nagbigay ang US ng intelligence information hinggil sa mga Malaysian terrorist at mga bomb maker na tinutugis ng puwersa ng Pilipinas.
Malinaw na nakasandal ang Pilipinas sa MDT sa nagpapatuloy na sigalot sa pinagtatalunang mga isla sa South China Sea. Ibinahagi naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na iminungkahi na niya noong nakaraang taon na pag-aralan muli ang kasunduan upang malinawan ang ginamit na terminong “metropolitan” na naglalarawan sa mga lugar na dedepensahan sa kaso ng pag-atake.
Tila lumalabas na ang depinisyon ng US ay sumasakop lamang sa bansa at sa mga okupado nitong mga isla, hindi kabilang ang pinagtatalunang teritoryo na ipinaglalaban ng Pilipinas sa South China Sea. Sinabi ni Lorenzana, na nais ng Pilipinas na maideklarang bahagi ng “metropolitan” ang mga bahaging ito, partikular ang Scarborough Shoal, ngunit, tinanggihan, aniya, ng US ang mungkahi niyang review, at sumang-ayon lamang sa isang “low-level exploratory study” na nakatakdang talakayin sa susunod na pagpupulong sa Mutual Defense Board.
Maraming opisyal sa administrasyong Duterte, katulad ni Secretary Lorenzana, na pinahahalagahan ang ating ugnayang pandepensa sa US at ang proteksyon na ipinagkakaloob ng mga defense treaties, tulad ng MDT at EDCA. Gayunman, lahat ng ito ay maaaring masuspinde ng anumang desisyon ng pangulo, tulad sa naging kaso ng VFA.
Sa mga susunod na buwan, maaaring magkaroon ng mga hakbang upang maipagpatuloy kung ano ang nasimulan sa VFA—ang pagbuo ng isang foreign policy at pagbabago sa dating ugnayan. Isa itong hakbang na may malaking implikasyon para sa buong bansa, at panawagan para sa isang malawak na pag-aaral, pagtalakay, debate at desisyon.