AYON kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nababahala na si Pangulong Rodrigo Duterte sa epekto ng kinatatakutang 2019 novel coronavirus sa bansa. Aniya, napansin kasi niya na nagsimula nang maapektuhan ang ekonomiya ng Pilipinas dahil na rin sa salot na ito. Paano kasi, P10 bilyon na ang lugi ng industriya ng turismo ng Pilipinas mula nang iutos ni Duterte ang travel ban kasunod ng paglaganap ng virus sa bansa. Nauna nang naiulat ng Philippine Tour Operators Association na kinansela ang nasa 50 porsyentong reservation sa Boracay, Bohol, Cebu at Palawan kasunod ng patuloy ng pagpapatupad ng travel ban sa patungo at pagkagaling ng China. Hindi lang ang turismo ang matinding naapektuhan ng kumakalat na sakit kundi maging ang deployment ng mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat. Katunayan nga, mayroon nang pinababalik mula sa kanilang pinagtatrabahuan sa Wuhan, China para sa kanilang kaligtasan. Eh ang bansa ay nabubuhay sa pangunahing kinikita nito sa turismo at ambag ng mga OFW.
“Bawat Pangulo ay mangangamba sa tuwing maaapektuhan ang ekonomiya. Kaya nga ginagawan ng paraan. Lahat tayo sa buong mundo, na apektado ay ganyan ang resulta. Ang mgagawa natin ay mapatigil ang pagkalat ng sakit. Lahat tayo ay umasa at magdasal na matuklasan natin na mapahinto ang sakit na ito,” wika ni Panelo. Samantalang, pinapayuhan ni Panelo ang publiko na manalangin, ipinaliwanag niya na umaasa ang Pangulo na makahahanap din ang mga doktor ng lunas kontra sa sakit. “Manalig kayo sa sangkatauhan. Huwag matakot sa pandemic. Ang SARS ay nawala kaagad. Limitado ang itatagal nito dahil ang tao ay dagling magkakaroon ng immunity. Kagaya ng SARS, tinitiyak ko sa inyo na mamatay ito ng kusa,” wika ni Pangulong Duterte. Naiulat na mas marami nang nabibiktima ang coronavirus kaysa SARS o severe acute respiratory syndrome. Pinanalig tayo ng Pangulo na makahahanap ng lunas ang sangkatauhan sa problemang ito ng buong mundo, pero inaakusahan siya na laban sa sangkatauhan ang kanyang war on drugs, na mas maraming napatay na kaysa sa kasalukuyang salot sa bansa.
Mga bagyo, lindol, pagputok ng Bulkang Taal ang nanalasa sa ating bansa. Nag-iwan ng grabeng pinsala sa mga aria-rian, buhay at kabuhayan ng mamamayan. Lalong inilugmok sa kahirapan ang mga mahirap nang mamamayan. Mukhang hindi pa sapat ang mga ito para matauhan tayong lahat at kumilala na may higit na makapangyarihan sa mga ito. Kailangan pang salot sa buong daigdig ang gumising sa atin. Ganoon pa man sa kakayahan lang ng tao pa rin umaasa si Pangulong Duterte. Mabuti pa iyong kanyang spokesman, hinihikayat niya tayong manalangin. Manalangin tayong lahat at humingi ng tawad at tulong sa ating Poong Maykapal upang ilayo tayo sa mga salot at sakuna.
-Ric Valmonte