Sa wakas ay ipinadala na ng Pilipinas sa United States ng notice of termination ng Visiting Forces Agreement (VFA), na namamahala sa taunang pinagsamang pagsasanay ng mga tropang Pilipino at Amerikano sa pagpapatupad ng dalawang bansa sa ‘Mutual Defense Treaty (MDT) at Enhanced Mutual Defense Cooperation Agreement (EMDCA)
Ang unang reaksyon ng mga Amerikano ay nagmula kay US Defense Secretary Mark Esper. “It’s unfortunate that they would make this move,” sinabi niya. “I think it is a move in the wrong direction – for the longstanding relationship we have had with the Philippines, for the its strategic location, the ties between our peoples, our countries.”
Ngunit sinabi ni Secretary of Justice Menardo Guevarra: “We survived the termination of the 1947 RP-US Bases Agreement in 1992. There is no reason why we shall not survive the termination of a mere Visiting Forces Agreement.”
Nang makamit ng Pilipinas, pagkalipas ng 43 taon ng pamahalaang kolonyal ng mga Amerikano at tatlong taon na pagsakop ng mga Hapones noong World War II, ang kalayaan nito noong 1946, pinanatili ng US ang presensya ng militar nito sa bansa sa pamamagitan ng Bases Agreement of 1947.
Tinutulan at ikinagalit ito ng mga nasyonalistang Pilipino ngunit tinanggap ng sumisibol na pamahalaan ng Pilipinas, na noon ay nakasandal pa rin sa napakaraming paraan sa suporta mula sa US. Ito ang panahon na hinarap ng US ang Soviet Union sa “cold war” at tinanggap ng Pilipinas ang papel nito bilang isang bahagi ng demokratikong daigdig na pinamunuan ng US laban sa tumataas na komunismo ng Soviet.
Ngunit hindi binitawan ng ng mga nasyonalistang Pilipino ang pananaw na ang Bases Agreement ay isang pagpapataw ng dating kolonyal na kapangyarihan, isang pagkutya sa soberanya ng Pilipinas. Sa wakas, noong 1992, tinapos ng Senado ng Pilipinas sa isang makasaysayang boto ang Bases Agreement sa kabila ng mga apela ng ibang mga opisyal ng Pilipinas na pinamumunuan ni noo’y Pangulong Corazon C. Aquino. Sa kauna-unahang pagkakataon mula noong 1898, wala nang mga base ng US sa Pilipinas.
Bilang kapalit ng Bases Agreement, gumawa ang US at Pilipinas ng Mutual Defense Treaty (MDT) at Enhanced Mutual Defense Cooperation Agreement (EMDCA), kasama ang Visiting Forces Agreement (VFA) upang pamahalaan ang patuloy na pagdating ng mga tropa ng US para sa magkasanib na pagsasanay, na may kasamang humanitarian activities tulad ng pag-aayos ng mga gusali ng paaralan. Ito ang VFA na tinatapos na natin ngayon.
Ang VFA, kasama ang MDT at EMDC, ay ang mga labi ng kolonyal na awtoridad na sinimulan ng US noong 1898. Nang mga panahong iyon ang US, matapos talunin ang Espanya, ay nagsisimula na makita ang sarili sa entablado ng mundo, sa kabila ng maraming lokal na oposisyon sa US mismo, kaya nagpasya ito noong 1898 na tanggihan ang rebolusyong Pilipino na pinamumunuan ni Gen. Emilio Aguinaldo at ang kalayaan ng Pilipinas na ipinahayag niya noong Hunyo 12, 1898.
Ang pag-alaala sa lahat ng mga makasaysayang pangyayaring ito ay maaaring makatulong sa atin na maunawaan kung bakit nagpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na wakasan ang Visiting Forces Agreement.