“AKO ay pabor na aprubahan ang prangkisa ng ABS-CBN kahit hindi naging maganda ang pagtrato nito sa aking pamilya. Pero, hindi ito tungkol sa akin. Naiintindihan ko ang reklamo laban sa ABS-CBN, pero ang kalayaan at daan sa impormasyon ay higit na mahalaga. Sa palagay ko, kapag nagsara ito grabe ang pinsala sa karapatan natin sa impormasyon. Nababahala ako sa napakaraming manggagawa na mawawalan ng trabaho. Hindi ako komportable na magwawakas ang prangkisa nang hindi nagdaraan sa proseso. Parang hindi kami gumaganap ng aming tungkulin,” wika ni Sen. Nancy Binay. Parang sinabi ng Senadora kay Pangulong Duterte huwag gawing personal ang hinanakit niya sa ABS-CBN. Kasi, maaga pa lang ay nagbanta na ng Pangulo na haharangin niya ang pag-aapruba ng panibagong prangkisa ng television network dahil noong panahon ng kampanya sa panguluhan, hindi nito inilabas ang kanyang propaganda, na noon ay kandidato sa pagka pangulo, kahit nabayaran na niya ito.
Ang problema kay Pangulong Digong, inihalal na siya ng bayan. Kaya, kapangyarihan ng bayan ang nasa kanyang kamay. Dapat ginagamit niya ito sa ikabubuti ng lahat, hindi iyong gagamitin ito para lang makaganti sa mga may atraso sa kanya nang hindi pa siya Pangulo. Ang isa pang hindi niya isinasaalang-alang, bukod sa ang gobyerno ay pag-aari ng taumbayan, pag-aari nila ang ipinagkakait niyang gamitin ng ABS-CBN. Ang himpapawid ay sa lahat, kaya kanila ang ere. Ang tungkulin ng gobyerno ay isaayos ang paggamit nito para higit na maitaguyod ang kapakanan ng bansa at mamamayan.
Ang kalayaan sa pamamahayag at karapatan ng taumbayan na makaalam at makialam sa pagpapatakbo ng gobyerno ay epektibong magagamit ng mamamayan kung may media tulad ng ABS-CBN. Daluyan ang mga ito ng impormasyon na napakahalaga sa demokratikong lipunan tulad ng sa atin. Alisin mo ang media o bawasan mo ang mga ito, tulad ng ginawa ni dating Pangulong Marcos, ang tanging malalaman lamang ng mamamayan ay iyong mga inihahayag ng mga malakas at makapangyarihan. Kung hindi lahat ay fake news, karamihan ay ganitong uri, dahil ginagamit nila ang media para itaguyod ang kanilang sariling interes at higit na mapalakas ang kanilang posisyon at kalagayan sa lipunan. Mahalaga ang maraming media upang kumalat ang maraming ideya at opinyon na magpipingkian sa “market of ideas” na magbibigay ng liwanag sa kaisipan ng sambayanan. Lilinaw sa kanila ang ideya o opinyon na karapatdapat para sa kanila at magagabayan sila sa pagtulong sa mga nagpaptakbo ng pamahalaan. Ito ang napakahalaga sa kasalukuyang laban ng ABS-CBN. Kaya, ang laban nito ay laban ng bayan.
-Ric Valmonte