NITONG Pebrero 10, isinampa ni Solicitor General Jose Calida ang isang quo warranto petition sa Korte Suprema na humihiling na mapawalang bisa ang prangkisa ng ABS-CBN network, na magtatapos sa Marso 30, 2020.
Bagamat itinanggi ng abugado ng pamahalaan ang anumang politikal na motibo sa likod ng hakbang, sa pagtingin ng Kongreso, partikular sa mga mambabatas na nakatuon sa proteksiyon ng kalayaan sa pamamahayag na pumanig sa network, hindi ito isang magandang hakbang para sa Palasyo.
Komplikadong maituturing ang ‘very urgent’ quo warranto petition ni Calida lalo’t sangkot dito ang tatlong sangay ng gobyerno, at ang interes ng publiko. Kung hangarin ng petisyon na mapawalang-bisa ang prangkisa, may sariling pananaw ang mga abugado sa pagpasok sa legal na hakbang na ito.
Ang quo warranto ay isang writ o legal na aksyon na nag-uutos sa isang tao o institusyon na ipakita ang nagpapahintulot sa kanya o pinanghahawakan nito, para ipatupad ang pakay ng petisyon.
Kung mayroon mang naging paglabag sa batas ang network mula nang nagsimula itong tumakbo, may basehan ang naging hakbang ng Solicitor General. Gayunman, kung ang tuon ng petisyon ay pang-aabuso sa prebilehiyo na ipinagkaloob ng Kongreso, maaaring itong sa tulong ng National Telecommunications Commission (NTC) o ang Securities and Exchange Commission SEC).
Sakop ng tungkulin ng NTC ang pagtatakda ng broadcast frequencies sa mga franchisees matapos aprubahan ng Kongreso ang kanilang prangkisa, habang control ng SEC ang mga korporasyon, at may awtoridad na magpataw ng administrative sanction sa kanila kung may naging paglabag sa panuntunan at mga regulasyon.
Kapag sangkot sa isyu ang tatlong sangay ng pamahalaan, kalimitang hinihingi ng Korte Suprema sa petitioner na maghangad ng iba pang remedyo. Sa tila pagtanggi ng Kongreso na padebatihan ang franchise renewal ng ABS-CBN, napapanahon ang naging hakbang ni Calida lalo’t nakapaghain na ang network ng renewal application at walang anong kaso ang inihain laban dito.
Higit na malaking isyu na nakapukaw sa atensiyon ng publiko ay ang isyu ng kalayaan sa pamamahayag. Sa naging hakbang na hingin sa Mataas na Korte ang pagpapawalang-bisa ng lisensiya ng ABS-CBN, lumitaw ang kolektibong panawagan ng publiko at media na kumukuwestiyon sa lalim ng kontrol ng estado sa karapatan ng mamamayan.
Isa pang kuwestyonableng aspekto ng petisyon ay ang pagkakaila ni
Presidential spokesman Salvador Panelo, na wala umanong kinalaman ang Malacanang sa naging hakbang na quo warranto ni Calida. Iginiit nito, na may kapangyarihan ang Solicitor- General na maghain na anumang kaso bilang kitawan ng pamahalaan.
Kung ikokonsidera ang mga kontrobersiyal na isyung sangkot, malaki ang posibilidad na ang Korte Suprema, na nagtataya sa mga kaso base sa katotohanan, ay papanig sa Kongreso, na siyang may tanging karapatan upang magbigay ng prangkisa, isang Konstitusyunal na mandato na kailangang ipatupad.
mga Kristiyano na pinagkunan ng pangalang
-Johnny Dayang