Doblado na ang suweldo ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ngayon. Pagkaupung-pagkaupo ni President Rodrigo Roa Duterte noong 2016, agad pinangakuan ang mga pulis na dodoblehin ang kanilang sahod at bibigyan ng karampatang mga benepisyo.
Gayunman, nagtataka ang ating mga kababayan, kasama na rito ang kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo at Senior Jogger, kung bakit may mga suwail at tarantado pa ring miyembro ng PNP na sangkot sa illegal drugs at kurapsiyon.
Galit ang ating Pangulo sa iligal na droga at katiwalian. Tiyak na sisibakin ang “kanyang mga pulis” sa sandaling napatunayang sila ay “ninja cops” at nagsasagawa pa rin ng mga aktibidad na ilegal at kabulukan. Siguradong tatamaan sila kay Manong Digong.
--ooOoo--
Sa isang balita noong Martes, pinagsabihan ni PNP chief Gen Archie Francisco Gamboa ang 357 police officers na iniimbestigahan sa pagkakangkot umano sa illegal drug trade, na mag-apply ng early retirement upang maiiwas ang PNP sa kahihiyan.
Ito ang ibinigay na opsiyon ni Gamboa sa police officers sa isang pulong noong Biyernes sa Camp Crame. Ayon sa kanya, makabubuti sa mga pulis na magretiro nang maaga kung sa palagay nila ay guilty sila at hindi makalulusot sa kaso.
Inutos ni Gamboa ang pagsisiyasat sa mga pulis na nasa drugs watchlist ni PRRD. Niliwanag niya gayunman na ang mga pulis na maagang magreretiro ay nangangahulugan na libre na sila sa kaso. Hindi. Maaari pa rin silang kasuhan matapos magretiro.
Samantala, 16 na police recruits ang hindi pinayagang maka-graduate matapos makipag-inuman sa publiko. Lumabag sila sa kautusan ng Pangulo na nagbabawal sa mga unipormadong miyembro na mag-inuman sa publiko.
Nilagay pa ng police recruits sa Facebook ang drinking spree na labis na ikinagalit ni Gen. Gamboa. Inutos niya ang relief ni National Capital Region Training Center Director Lt. Col. Elvin Ricohermoso dahil sa insidente. Hindi na papayagan ang mga recruit na makapasok sa police service.
--ooOoo--
Kung masusunod ang direktiba ng hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), bawal na ang lahat ng uri ng sugal sa burol ng patay at selebrasyon ng mga pista sa Metro Manila. Si NCRPOchief director Maj. Gen. Debold Sinas ang nag-isyu ng kautusan.
Sinabi ni Sinas na ipinaalam na niya sa mga alkalde ng Metro Manila ang kanyang pagbabawal. Ayon sa mga report, may mga punerarya ang umano’y nagbebenta o nagpaparenta ng mga bangkay para gamitin sa burol bilang cover o panakip sa sugal na kung tawagin ay sakla. Bawal din ang sabong at iba pa sa panahon ng piyesta.
--ooOoo--
Totoo kaya ang balitang sinopla ni Pangulong Rody si US President Donald Trump sa pagtatangkang “sagipin” ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at US? Samantala, pinagtibay ng Senado ang isang resolusyon na humihimok kay PRRD na irekonsidera ang planong paglagot sa kasunduan at hintayin ang pagrepaso nito sa 20-year old security pact.
Inaprubahan ng Senado ang Senate Resolution 312 na magkasanib na inihain nina Senate Pres. Tito Sotto, Senate Minority Leader Franklin Drilon at Sen. Panfilo Lacson, chairman ng Senate Committee on National Defense and Security.
-Bert de Guzman