HINDI magkakaroon ng pagbabago sa kalendaryo ng public school sa taong ito. Tulad ng mga nakaraang taon, magbubukas ang mga paaralan sa Hunyo - pagkatapos ng mga buwan ng tag-init ng Marso, Abril, at Mayo. Ngayong school year 2020-2021, inihayag ni Undersecretary Annalyn Sevilla ng Department of Education (DepEd), na magsisimula ang mga klase sa kindergarten, elementarya, junior high school, at senior high school sa Lunes, Hunyo 1.
Ilang taon na ang nakalilipas, nagkaroon ng hakbang upang ihanay ang school calendar ng Pilipinas sa United States at iba pang mga bansa, na nagsisimula sa Setyembre. Mula sa lumang araw ng pagbubukas sa Hunyo, inilipat ng Ateneo ang pambungad na araw sa Agosto - mas malapit sa pagbubukas ng Setyembre sa US. Ang De la Salle ay may trimester at ang unang araw ng unang termino ay sa Agosto. Ang University of the Philippines ay nagbukas ng klase ng Hulyo.
Itinatakda ng Republic Act 7977 na ang school year ay dapat magsimula “sa unang Lunes ng Hunyo ngunit hindi lalampas sa huling araw ng Agosto.” Hindi nagbago ng school calendar ang Department of Education at sa gayo’y magsisimula sa Hunyo 1 sa taong ito.
Sa kanyang ikalawang taon bilang pinuno ng DepEd noong 2018, ipinaliwanag ni Secretary Leonor Briones kung bakit ang pagbubukas ng mga pampublikong paaralan ay mananatili sa Hunyo, sa harap ng mga panukala na ilipat ito sa mga susunod na buwan. “If we open in August,” sinabi niya, “that means we will be open until the summer months, and public school classrooms are not suitable for use in the summer months. The schoolrooms are going to be like an oven.”
Ang mga guro pati na rin ang mga nag-aaral ay dapat magkaroon ng kanilang summer vacation, aniya. Ang pagpapalit ng kalendaryo ng paaralan ay magpapakumplikado lamang sa buhay para sa kapwa mag-aaral at guro. “I believe there was logic in originally opening the classes in June, so we will abide by it,” aniya.
Mayroong mga panukalang batas sa Senado upang ilipat ang araw ng pagbubukas ng paaralan sa ikalawang Lunes ng Agosto ngunit hindi lalampas sa pangalawang Lunes ng Setyembre, na napansin na ang karamihan sa mga nangungunang institusyon sa mundo ay nagsisimula ng kanilang academic calendar sa Agosto o Setyembre. Sa House of Representatives, isang panukalang batas din ang nagsasaad ng pagbabago sa kalendaryong pang-akademiko upang maibsan ang mga epekto ng tag-ulan kung kailan ang mga klase ay madalas na nasuspinde dahil sa masamang panahon. Ngunit ang mga panukalang batas na ito ay hindi umusad.
At sa gayon sinisimulan natin ang school year 2020-2021 tulad ng dati – sa Hunyo. Maaga itong inanunsiyo ng DepEd upang bigyan ang lahat ng oras para maghanda, lalo na ang mga magulang na kailangang mag-ipon ng pera para sa matrikula sa kolehiyo. Sa pagtindi ng tag-init sa atin, malamang na patuloy nating buksan ang school year sa Hunyo -- hanggang sa isang araw, marahil, na kaya na nating kabitan ng air-conditioning ang mga silid-aralan sa public school.