MAS pinalakas ng Standard Insurance-Navy ang koponan na isasabak sa LBC Ronda Pilipinas sa Pebrero 2.
Babanderahan ang Navy squad nina Ronald Oranza at Jan Paul Morales sa hangaring mapanatili ang pagdomina sa pamosong karera sa tag-araw.
Ang karera ay magsisimula sa Sorsogon at magtatapos sa Vigan sa Marso 4. Ito ang ika-10 edisyon ng torneo.
Tiyak na aabangan ng mga karibal at manonood ang ikikilos nina Oranza, 2018 champion, at Morales, nagwagi noong 2016 at 2017 edisyon, kasama sina El Joshua Carino, George Oconer, Ronald Lomotos, John Mark Camingao at King of the Mountain winner na si Junrey Navara.
Kasama rin nila ang bagong saltang si Lance Allen Benito para sa hangaring maiuwi muli ang nakatayang P1 milyon papremyo.
“We will just try to live up to what is expected of us, which is to win,” pahayag ni Navy coach na si Reinhard Gorantes.
Gayunman, aminado pa rin si Gorantes, na mahigpit ang labanan sa edisyong ito na lalahukan din ng Bicycology-Philippine Army at dating kampeon na 7Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines ay siguradong babalik upang makuha ang korona.
Pangungunahan ni 2012 titlist Mark Galedo ang koponan kasama ang mga beteranong sina Marcelo Felipe at Rustom Lim.
Ibabandera naman ng Scratch It ang walang kupas na si Santy Barnachea, na siyang kauna-unahang kampeon (2011) at sinundan pa ng kanyang pagkapanalo noong 2015 edisyon, habang ang 2014 winner na si Reimon Lapaza, ay pangungunahan ang Celeste Cycles- PH-Devel Project Pro Team.
“There are a lot of team this year who are capable of beating us, 7Eleven is one of them,” ayon kay Gorantes.
Ang iba pang koponan na makikipag karera sa 10-stage na suportado ng LBC at ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation ay ang mga koponan ng Go for Gold, Bike Xtreme, Tarlac/Central Luzon, Ilocos Sur, South Luzon/Batangas at Nueva Ecija.
Matapos ang 137-kilometer Stage One, magpapatuoy ang Ronda sa 163km Sorsogon Legazpi Stage Two sa Pebrero 24, kasunod ang 126.9km sa Legazpi-Naga para sa StageThree sa Pebrero 25, habang ang 212.5km ay magaganap sa Daet-Lucena para sa Stage Four sa Pebrero 26 at ang 155.4km sa Lucena-Antipolo para sa Stage Five ay magaganap sa Pebrero 27 bago ang isang araw na pahinga.
Magpapatuloy ang Ronda sa 128.9km sa Lingayen-Lingayen para sa Stage Six sa Pebrero 29 ang 171.9km Lingayen-Nueva Ecija para sa Stage Seven sa Marso 1, ang 177.1km Nueva Ecija-Baguio Stage Eight sa March 2, ang 176.4km Pugo, La Union-Vigan Stage Nine bago ang closing na Stage 10 sa criterium sa Vigan sa Marso 4.
Katuwang ng LBC ang Versa, 8A Performance, Print2Go, Petron, Green Planet, Bike Xtreme, Standard Insurance, CCN, Lightwater, Prolite, Guerciotti, Black Mamba, Boy Kanin, Vitamin Boost, NLEX/SCTEX, Maynilad, 3Q Sports Event Management Inc., LBC Foundation at ang PhilCycling.
-Annie Abad