Ang ganda ng sinabi ni director Laurice Guillen patungkol kay Nora Aunor sa mediacon ng Afternoon Prime ng GMA-7 na Bilangin Ang Bituin Sa Langit.
Naikuwento ni Laurice na sa taping, ibinigay niyang halimbawa si Nora sa ibang cast sa pagiging professional nito.
“Happy ako to be working with Ate Guy. It is a great pleasure to be working with a great survivor. Grabe ang focus niya. Hindi siya nagka-cut kahit may sablay ang eksena, nasi-save pa rin niya. She’s a great performer at kahit ikamatay niya, ginagawa pa rin niya,” sabi ito ni Laurice.
Bago magtapos ang mediacon, nagpasalamat si Nora sa kanyang director.
“Maraming salamat Laurice. Karangalan ko na makatrabaho si Laurice,” reaction ni Nora sa good words na sinabi ni Laurice sa kanya.
Sa Bilangin Ang Bituin Sa Langit, ginagampanan ni Nora ang role ni Mercedes “Cedes” dela Cruz, nanay ni Magnolia “Nolie” dela Cruz (Mylene Dizon) at lola ni Maggie dela Cruz (Kyline Alcantara). Remake ang teleserye ng Regal Films movie with the same title.
“Masaya ako na magkakaroon ng remake ‘yung aming pelikula noon. Excited din ako dahil ang gagaling ng mga artista na kasama ko rito,” pahayag ni Nora.
Sa February 24, pagkatapos ng Prima Donnas ang simula ng airing ng Bilangin Ang Bituin Sa Langit na kabilang pa sa cast sina Isabel Rivas, Zoren Legaspi, Ina Feleo, Yasser Marta, Candy Pangilinan, Gabby Eigenmann at Divina Valencia. May special participation sina Dante Rivero at Ricky Davao.
Samantala, natanong si Nora sa usaping renewal of franchise ng ABS-CBNbilang nagtrabaho siya minsan sa Kapamilya Network.
“Wala akong masasabi tungkol dyan. Nasa gobyerno ‘yan. Sila.... kung ano ang desisyon nila, irespeto natin,” sagot ni Nora.