MADAMDAMING usapin ang lupang pagtitirikan ng tahanang-pamilya at hanapbuhay sa pagsasaka. Malalim ang sugat na tulad sa Pilipinas Asya, Africa atbp., mahirap mahilom dahil ilang henerasyon ang dumaan sa mapait na karanasan. Bangayan ng “panginoong may lupa” at mga “pesante”.
Pagdating ng mananakop sa ating baybayin, tulad sa ibang bansa, naging lubos at lantaran ang pag-angkin sa mga lupain. Ekta-ektarya mula sa siglo ng mga kolonyal hal. ‘friar lands’ o lupain ng mga pari, winaring kanila at pinaupa sa unang Pilipino. Napalitan ang mga Kastila ng iba pang mananakop (Amerikano, Hapon, atbp.), at kapatas ang ilang kababayan upang yumaman sa kanilang pakikipagsabwatan o pagpapatintero sa negosyo ng kalaban. Sila ang naging “hari” sa lupang sinasaka ng kayumangging lahi, lalo, nang lumisan ang mga dayuhan.
Bagama’t may mababait din namang amo, sa ibang lalawigan umani ng pansin ang “abuso” sa bayarin ng upa, pag-akyat sa bahaging porsiyento sa ani, hindi mabayarang utang, pagmamaltrato sa mga magsasakang pamilya, na tila tanikala sa leeg ng mga anak ng lupa. Sa patung-patong na panggigipit na dinanas ng sektor magsasaka, nahinog ang konsepto ng “agrarian reform”.
Sa panahon ni Ferdinand Marcos, nagkaroon ng “rice and corn” land reform. Niyakap ng aming pamilya ang bagong programa. Bagama’t hindi sakop sa ‘rice and corn’, bukas-palad na ipinasali ng aking ama (Senator Rene Espina) kaisa-isa niyang mana sa aking Lolo at Lola, (300 ektarya sa Barangay Inalad Kalubi-an Leyte). Nagtaka at naniguro pa noon si Secretary Condrado Estrella kung bakit isinuko niya ito? Sagot ng aking ama, “Naniniwala ako sa hangarin”.
Sa panahon ni Corazon Aquino, natanggap ang kabayaran na P2M piso na papel-de-ahensya o bonds. Nakakalungkot aminin, na ang nasabing programa, ay puno ng pangungulimbat at kawatan. Mismong taga-DAR, pamilya, kaibigan, kakilala, ang nabibiyayaan ng lupang ipinapamahagi. Komisyon sila na $500-700 dolyares sa kada-beneficiary mula mga Foundation sa Europe. Pinipili ang lupain malapit sa daan. Pati fish pond dinadamay. Milyun-milyong piso ang tinatanggap para “ma-exempt” sa programa, atbp.
-Erik Espina