KUNG noon ay may lumulutang na haka-haka na posibleng tumakbo bilang pangulo si boxing icon Sen. Manny Pacquiao, ngayon naman ay may lumulutang ding ganitong haka-haka o tsismis na may ambisyon sa panguluhan si Sen. Christopher “Bong” Go, ang malapit na alyado, aide at kung minsan ay tagapagsalita ni President Rodrigo Roa Duterte.

Itinanggi ito ni Sen. Bong Go. Wala siyang planong tumakbo bilang pangulo ng bansa. Ang pagtanggi ay ginawa ni Go bilang reaksiyon sa pahayag ni Manong Digong sa harap ng bagong mga hirang na opisyal ng pamahalaan sa Malacañang noong nakaraang Biyernes.

“Hayaan niyang liwanagin ko na wala akong balak to run for president. Alam naman niyang mapagbiro ang Pangulo. Makulay siya sa pagsasalita,” ayon kay Go. Sa kanyang talumpati, sinabi ni PRRD na magreretiro na siya sa pulitika pagkatapos ng termino, at ipinahiwatig na maaaring tumakbo si Go.

Kung natatandaan pa ninyo si Sen. Bong Go ay laging nasa likuran lang ni PDu30 sa lahat ng okasyon. Tahimik at laging nasa background lang kung kaya tinagurian siyang “Pambansang Photo Bomber.” Gayunman, nang sabihin o atasan siya ng Presidente na tumakbo sa pagka-senador, tumakbo siya at nanalo.

Naging pangatlo siya sa puwesto gayong noon ay hindi naman siya kilala at laging photo bomber lang ni Pres. Rody. Kasama niyang nagwagi sina ex-PNP chief Ronald “Bato” dela Rosa at ex-MMDA chairman Francis Tolentino. Walang nanalo kahit isang kandidato sa tiket ng Liberal Party (LP). Zero. Maging sina ex-DILG Sec. Mar Roxas at ex-Sen. Bam Aquino ay hindi nanalo bagamat noong una ay kasama sila sa listahan ng mananalong senador batay sa SWS at Pulse Asia surveys.

--ooOoo--

Umakyat na sa 215 ang mga tao na itinuturing na “persons under investigation” o PUI sanhi ng 2019 novel coronavirus Acute Respiratory Disease (nCoV ARD) sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Sinabi ng Department of Health (DOH) na sa 215, ang 184 ay “admitted and isolated” samantalang siyam sa kanila ang ayaw magpaeksamin at 17 naman ang dinischarge pero patuloy na minomonitor.

Tiniyak ni DOH Usec Eric Domingo sa publiko na ang siyam na tumangging magpa-quarantine ay tukoy na nila at nakikipag-ugnayan sila sa konsernadong Local Government Unit (LGU) na kinaroroonan ng mga ito at sa PNP upang dalhin sila sa awtoridad.

Batay sa data, sa 215 PUIs, tatlo ang positibo sa nCoV, 57 ang negatibo sa virus samantalang ang laboratory results ng nalalabing 155 ay hindi pa nire-release. Sa ulat, mahigit na sa 600 ang biktima ng sakit na ito sa buong mundo at mahigit 30,000 ang may impeksiyon, karamihan ay sa China. Ang karamdaman ay nagmula sa Wuhan City, Hubei province, China.

Mula sa Beijing/Shanghai, may report na namatay ang Chinese doctor na unang naghayag at nagbanta sa coronovirus outbreak bago ito opisyal na kinilala ng China at iba’t ibang bansa sa daigdig. Siya ay si Li Wenliang, isang ophthalmologist, na ang pagkamatay ay dinamdam ng publiko at pagkagalit dahil sa kanyang kamatayan. May naghihinala pang siya ay kusang pinatay dahil sa kanyang pagbubulgar. Itinuturing siyang isang “hero” o bayani dahil sa pagsasabi ng totoo.

Samantala, tiniyak ni Chinese Pres. Xi Jinping sa US at iba pang mga bansa na ginagawa ng China ang lahat para makahanap ng gamot o solusyon sa virus na kumitil na sa mahigit 900 tao. Ayon kay Xi, nakakukuha na ng magandang resulta ang China at tiwala na masusugpo ang epidemya nang hindi pipinsala nang matagal sa ekonomiya

-Bert de Guzman