IPAPASA ng Kamara ang panukalang batas na magpi-preserba sa mga katutubong laro, gaya ng sungka at sumpit, sa pamamagitan ng pagdaraos ng taunang paligsahan tungkol sa mga katutubong paligsahan.
Ang sungka ay paboritong laro sa pagtitipon ng mga pamilya. Dalawang manlalaro ang sangkot dito sa pamamagitan ng paghuhulog ng bato o shells sa mga butas ng isang hugis bangka (canoe-shaped board) na kung tawagin ay “sungkaan” o “sungkahan” hanggang makuha ng isang manlalaro ang pinakamaraming bato kaya siya ang nagwagi.
Ang “Sumpit” naman ay isang bugahan o blowpipe na gawa sa kawayan, na ginagamitan ng mga butil ng monggo o maliliit na bagay, bilang bala pag ibinuga.
Inendorso ng House youth and sports development committee noong nakaraang linggo sa plenaryo na pagtibayin ito matapos aprubahan ng komite ang committee report ng House Bill No. 6192 (Philippine Indigenous Games Preservation Act.)
Bukod sa sungka at sumpit, ang iba pang traditional sports o mga laro ng indigenous communities, ay ang tribal archery, blowpipe, “sibat (spear)”, dug-out canoe race, rock balancing, at “kadang-kadang.”
-Bert de Guzman