NAGBUNGA na din sa wakas ang sipag at tiyaga na ipinamalas ng tatlong premyadong talento sa pagkilala sa kanila para sa nalalapit na SMC-PSA (Philippine Sportwriters Association ) Annual Awards Night nagaganapin sa Marso 6 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.

Sina Jack Danielle Animam at ang kanyang coach sa National University na si Patrick Aquino kasama ang pambato ng Ateneo na si Thirdy Ravena ang pararangalan ng special awards sa naturang Gabi ng Parangal.

Pinangalanan bilang Mr. Basketball si Ravena habang sina Animam naman ang siyang tatanggap ng parangal bilang Ms. Basketball, gayung si Aquino ang Coach of the Year para sa nasabing grupo ng mga Sportswriters.

Sina Animam at Aquino ang isang malaking dahilan kung paanong nanatiling kampeon ang National University Lady Bulldogs sa UAAP women’s basketball sa nakaraang edisyon nito.

Manny Pacquiao, inintriga kung saan pupunta sa sabay na laban nina Jimuel, Eman sa Feb

Isang malinis na 16-0 slate ang iniwan ng NU Lady Bulldogs bago kunin ang kanilang ikaanim na sunod na titulo sa UAAP title. kung saan winalis din nila ang serye ng finals kontra sa University of Santo Tomas.

Si Aquino din ang siyang nagtimon sa koponan ng Gilas Pilipinas women’s 5-on-5 at 3x3 sa kampanya nito sa 30th Southeast Asian Games kung saan nakakuha ng ginto ang Pilipinas.

Samantalang si Ravena naman ang naging sandalan din ng Blue Eagles sa kanilang malinis na kampanya na 16-0 sa pagsabak sa UAAP Season 82 men’s basketball tournament.

Nakuha ng Ateneo ang titulo matapos na walisin ang serye kontra sa University of Santo Tomas sa finals para sa ikatlong sunod na kampeonato.

Tanging ang Ateno Blue Eagles lamang ay may tangan ng rekord 16-0 sa kasaysayan ng UAAP men’s basketball at sila din ang kauna-unahang koponan na nakadagit sa wala pang talong UST Tigers sa finals buhat pa noong 1993.

Kabilang din si Ravena sa 12-man final roster ng Gilas Pilipinas para sa 2019 FIBA World Cup qualifier at ang kaisa-isang collegiate player na napabilang sa koponan upang maging kinatawan ng bansa.

Ang nasabing mga special awards ay bahagi lamang mahabang listahan ng mga pararangalan kasama na ang Team Philippines bilang 2019 Athlete of the Year para sa big event na suportado ng Philippine Sports Commission, MILO, Cignal TV, Philippine Basketball Association, Rain or Shine, at AirAsia.

-Annie Abad