MARAMING kalabuan ang isyu ng ating Visiting Forces Agreement (VFA) sa United States, kung saan hindi matiyak ng ating mga matataas na opisyal kung wawakasan na nga ba ito, o iniisip lamang natin ito, o isa lamang ito sa mga “hyperbolic” na pahayag ni Pangulong Duterte.
Nag-ugat ang isyu nang batikusin ng Pangulo ang pagkakansela ng US visa ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ng walang paliwanag, tanging pahayag lamang na maaari naman siyang mag-apply ng bago. Maaaring may kaugnayan ito sa pagkakasama sa US budget bill para sa probisyon na nagbabawal sa mga naging responsable sa pagpapakulong kay Sen. Leila de Lima, na makapasok sa US.
Sinabi ni Senador De la Rosa na wala naman siyang pakialam sa desisyon o sa pagkakansela ng kanyang visa. Ngunit para sa Pangulo, isa itong hindi makatwirang aksiyon mula sa isang kaalyado.
Kaya naman, sa kanyang katangian, inihayag ng Pangulo ang panawagan para sa kanselasyon ng VFA, isang mahalagang bahagi ng ugnayang US-PH, na una nang nabawasan nang bumoto ang Senado ng Pilipinas noong 1991, laban sa pagpapalawig ng pananatili ng mga US bases sa bansa.
Nitong Biyernes, sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na iniutos na ni Pangulong Duterte kay Executive Secretary Salvador Medialdea na ipaabot kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locssin Jr. na magsumite sa US ng formal na abiso para sa pagbuwag ng VFA.
Nang sumunod naman na araw, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na walang naging utos mula sa Pangulo. Tinawag pa niya itong “fake news,” na isang direktang kritisismo sa presidential spokesman. Sinegundahan naman ni Executive Secretary Medialdea ang komento ni Lorenzana, at sinabing, “None. Nada. Zilch. Awan. Wala. Anggapo.”
Walang higit na makapagpipilit dito.
Sa likod ng lahat ng komplikasyon kung ipinag-utos nga ba ng Pangulo o hindi ang opisyal na pagbuwag ng VFA, ang pangamba na inilatag ng ilang opisyal laban sa pagputol ng ugnayan sa US. Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na ang pagbasura sa VFA ay maaaring mabigay ng pagtingin sa Pilipinas bilang isang “pushover” sa mga bansa na nag-aangkin sa South China Sea.
Gayunman, sinabi ni Sen. Aquilino Pimentel III, pinuno ng Senate Committee on Foreign Affairs, na hanggat nananatili ang Mutual Defense Treaty ng Pilipinas sa US, makasisiguro ito ng proteksyon mula sa makapangyarihang kaalyado. Sa kabila nito, sinabi ni Secretary Locsin sa pagdinig ng Senate committee na ang pagbasura sa VFA ay mangangahulugan na ang Defense Treaty and the Enhanced Defense Cooperation Agreement sa US ay “nothing but pieces of paper.”
Kung tunay na determinado si Pangulong Duterte na wakasan ang VFA sa US at pormal niyang iniuutos kay Secretary Locsin ang pag-abiso nito sa US government, pinakamainam na manggaling ito mismo sa kanya, at hindi ipaubaya sa sinumang tagapagsalita o ibang opisyal na gumawa ng anunsiyo.