KUNG magkakaroon ng katuparan o kaganapan sa isinusulong na Cha-Cha (Charter Change) sa Kamara na kakatigan naman ng Senado, tiyak na mawawala ang mga “hunyango” at “hari-harian” sa pulitika sa Pilipinas.
Batay sa mga susog o amyenda sa Konstitusyon ng House committee on constitutional amendments na ang tagapangulo ay si Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, nilalayong isama rito ang anti-turncoatism o paglilipat-lipat sa partido ng mapagsamantalang mga pulitiko.
Ugali na ng mga pulitiko, senador, kongresista, governor, mayor at iba pa, na magpalit ng partido at lumipat sa partido ng nanalong Pangulo ng bansa. Ito ay nangyari sa nakaraang 2016 presidential elections na pinagwagian ni ex-Davao City Mayor Rodrigo Roa Duterte.
Ang sabi ni PRRD noon, wala siyang pera sa kampanya, wala siyang mga lider at kaalyado. Iilan lang daw ang supporters na puwedeng magkasya sa tricycle, pero nang manalo siya, bigla ang paglilipatan ng mga pulitiko sa kanyang partido na PDP-Laban. Dagsa ang mga “hunyango” at “paruparo”.
Nais din ng komite ni Rodriguez na ipagbawal ang political dynasty upang pagbawalan ang mga kamag-anak ng nakaupong opisyal na pumalit sa kanya pagkatapos ng termino. O pagbawalan ang pagtakbo ng dalawa, tatlo o mahigit pang magkakamag-anak na pulitiko sa iba’t ibang posisyon. Gayunman, tinutulan ito ng mga kongresista na nagsabing hindi dapat pagbawalan ang sino mang nais magsilbi sa bayan. Pag hindi ito na bawal, aba, tiyak na tuloy ang “paghahari-harian.”
oOo
Matigas ang paninindigan ng Duterte administration tungkol sa isyu ng dalawang water concessionaires- -ang Manila Water at Maynilad-- na tapusin ang kontrata dahil sa umano’y “onerous provisions” na higit na pabor sa dalawa kesa interes ng publiko.
Kahit ngayon ay shareholder na ng Manila Water si business tycoon Enrique Razon Jr. na nakakuha ng 25% shares of stock, sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na wala itong epekto sa paninindigan ng gobyerno. Si Razon ay malapit daw kay PDu30.
Siya ay nag-invest ng P10.7 bilyon sa Manila Water, katumbas ng 25- percent stake sa Ayala-owned water, na nag-ooperate sa East Zone. Ang pagbili ng shares of stock ay nangyari nang iutos ni Mano Digong ang pagrerepaso sa umiiral na concession agreements ng pamahalaan sa dalawang kompanya ng tubig--Manila Water at Maynilad.
Iginiit ni Guevarra na ang kasunduan ay rerebisahin para sa benepisyo at interes ng publiko kahit sino man ang may-ari ng water company. May naghihinalang pinapasok si Razon sa Manila Water para mabago ang desisyon ng Pangulo na tapusin ang kontrata.
Si Guevarra ay bahagi ng isang Task Force na nagrerebisa sa mga kontrata, na sa palagay ng Presidente ay labis ang pagpabor sa dalawang kompanya at dumedehado naman sa mga mamamayan.
Naghahanda ang gobyerno ng draft contracts na iaalok sa Manila Water at Maynilad bago magwakas ang kanilang 25-year contracts sa 2022. Tiniyak ni Guevarra na ang mga draft contract ay magiging patas at makatarungan para sa mga suki sa tubig ng dalawang kompanya.
Sana naman ay talagang para sa kagalingan at kapakinabangan ng publiko ang inihahandang kontrata ng DOJ, at hindi para paboran ulit ang mga bilyonaryong may-ari ng mga kompanya ng tubig, na ayon nga sa Pangulo, ang tubig ay biyaya ng Diyos sa mga tao at dapat na maging libre.
-Bert de Guzman