NAG-ISYU ng kautusan si Chief Justice Diosdado Peralta ng Korte Suprema hinggil sa dapat na maging kasuotan ng mga empleado ng lahat ng korte sa bansa. Ang lumabag ay may karampatang parusa. Sa memorandum na inisyu niya noong Pebrero 3, na inilabas noong Huwebes, ipinaalam niya sa lahat ng mga hukom at kanilang mga empleyado ang dress code na dapat nilang sundin. Inatasan din ng Punong Mahistrado ang mga hukom na disiplinahin ang mga abogado na humaharap sa pagdinig nang hindi nasa wastong pagdadamit. “Ang mga hukom ay dapat panatilihin ang order at decorum at dapat kumilos na may dignidad at kortesiya sa lahat ng mga nasa loob ng korte,” wika niya.
Makatutulong ito, kahit paano, sa tungkulin ng hudikatura na maggawad ng katarunagan, pero ito ay para lamang sa panlabas na kaanyuan at katangiang. Ang higit na mahalaga ay nasa puso, ang pagtalima sa dikta ng delicadesa at moralidad. Kaya, nasa wastong direksyon ang hakbang ng Korte Suprema na lahat ng mga abogado ay sumailalim sa mandatory continuing legal study (MCLE). Kasi bukod sa natuturuan ang mga abogado ng mga bagong desisyon ng Korte Suprema at mga doktrina at prinsipyo ng batas, bawat bahagi ng MCLE ay may subject na judicial at legal ethics. Sakop nito ang mga kasong administratibo laban sa lahat ng mga hukom, abogado at empleyado na lumabag sa kagandahang asal sa pagtupad nila ng kanilang tungkulin. Ang nakadidismaya lamang ay ang Korte Suprema ang nagpaparusa, pero ang mga mahistrado nito ang kinakikitaan ng paglabag. Parang isang ama na gusto ang kanyang mga anak ay maging matino, pero kabaligtaran nman ang nakikita ng kanyang mga anak na ginagawa niya.
Sariwa pa naman sa ating alaala ang ginawa ng mga mahistrado sa kaso ni dating Chief Justice Maria Sereno. Nang sampahan ito ng kasong impeachment sa Kamara, dininig ito ng House Committee on Justice. Dahil may mga puntong hindi mapatunayan ng nagreklamong si Atty. Larry Gadon, sukat ba namang isinailalim ng mga mahistrado ang kanilang mga sarili sa kapangyarihan ng Kongreso at tumestigo sila sa pagdinig para patunayan ang hindi kayang patunayan ni Gadon. Doon nila isiniwalat ang kanilang sama ng loob kay Sereno. Nang hindi makuha sa impeachment ang pagpapatanggal kay Sereno, na ang pangunahing inhinyero nito ay si Pangulong Duterte, quo warranto naman ang isinampa ng Solicitor General ng Pangulo sa Korte Suprema. Lahat ng tumestigo laban dito sa Kongreso ay bumoto para mapatalsik siya bilang Punong Mahistrado. Ang lahat ng mga ito ay nakinabang at nakikinabang sa kanilang ginawa. Nakaupo ngayon bilang Ombudsman, si dating mahistrado Samuel Martires. Naging Chief Justice si Teresita delos Reyes, Lucas Bersamin, at ngayon si Diosdado Peralta naman na nagisyu ng memorandum hinggil sa nasabing dress code.
Ang Korte Suprema ang dapat mangunang sumunod sa hinihingi ng kagandahang asal upang may moral authority naman na magpasunod ito sa kanyang mga nasasakupan sa ikatitino ng hudikatura sa paggawad ng katarungan.
-Ric Valmonte