IBINUHOS ng Davao Occidental at Cocolife Tigero ang buong bangis nito upang ibaon ang Muntinlupa Cagers, 106-90 sa pagtatapos ng double round eliminations ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakan Season kumakalawa sa Batangas State University Gym.
Dikdikan ang laban sa unang dalawang yugto kung saan ay dikit sa 47-43 ang tala sa halftime.
Paglatag ng third period, mistulang diniinan ng Tigers ang ‘push button’ sa opensa nito upang unti-unting iwanan ang Cagers na nagulantang sa sabwatan nina Tigers Bon Bon Custodio, Mark Yee, Billy Robles, Emman Calo, Marko Balagtas at James Forrester tungo sa pag itala ng ga-bundok na agwat 83-59 sa pagtatapos- ng 3rd quarter upang di na lumingon pa para iwagwaganang lupit ng koponan ni Dumper Party List Rep. Claudine Bautista ng Davao Occidental sa ayuda nina Cocolife President Atty. Jose Martin Loon, FVP Joseph Ronquillo, AVP Rowena Asnan at SVP Franz Joie Araque at mapanatiling nasa ituktok ng team standing sa South Division 23-4.
Halos nag-iisang binalikat ni Edcel Mag-isa ang talunang laban ng Cagers kontra astig na koponan mula Mindanao upang tuluyang mamaalam ang Muntinlupa sa Lakan Cup ng ligang inorganisa ni Senator Manny Pacquiao.
“We need to finish the phase strong para baon ng ating Tigers pagdating sa playoff,” wika ni Davao Cocolife team manager Dinko Bautista kaagapay si deputy Ray Alao kasabay nang pagpuri nito sa court leadership ni King Tiger Yee na tinanghal namang Best Player of the Game.
Aarangkada ang MPBL playoffs matapos ang All-Star Games na raratsado sa Pebrero 13.