“Kung may kompanyang lalabag sa Saligang Batas, wala itong karapatang magnegosyo sa ating bansa,” wika ni Senator Win Gatchalian sa mga mamamahayag pagkatapos ng pagdinig na ginawa ng Senate energy committee na kanyang pinamumunuan. Ginanap ang pagdinig pagkatapos sabihin noon ni National Transmission Corp. (Transco) president Melvin Matibag na ang National Grid Corp. of the Philippines na ang 40 porsiyento nito ay pag-aari ng State Grid Corporation of China (SGCC) ay kayang isara ang power transmission ng bansa kahit nasa malayo ang magsasara. Ang NGCP ay nag-o-operate sa ilalim ng 25-year concession agreement na ibinigay ng Transco na pag-aari ng gobyerno noong 2009. Sa nangyaring pagdinig ginisa ng mga senador ang mga opisyal ng NGCP dahil ayaw magpa-audit ito sa Transco.
Kinuwestiyon naman ni Chairman Gatchalian ang mga ito sa paghirang nila sa Chinese national na si Wen Bo bilang chief technical officer na lumagda na ng maraming kontrata para sa korporasyon. Batay sa organizational chart ng NGCP, ayon kay Gatchalian, si Wen ang pangalawang pinakamataas na opisyal na sumunod sa pangulo at CEO Anthony Almeda. Labag, aniya, iyan sa Saligang Batas dahil isinasaad ng Art. XII, Section II nito na ang lahat ng executive at managing officers ng mga kompanyang nag-o-operate ng public utilities ay dapat citizen ng bansa. “Ang posisyon ng chief technical officer ay nauugnay sa pinag-uusapan natin ngayong cyber security. Napakahalaga ng posisyong ito na sa kasiguruhan na ang pagkahayag sa mga panganib ay sakop at ang cyber attacks sa ating power grid ay hindi mangyayari,” dagdag pa niya. Kaya nang tanungin siya kung makakansela ang prangkisa ng NGCP, ang sagot ng senador ay: “Oo”, wika niya, “kung may paglabag sa prangkisa partikular hinggil sa proteksyon ng public utilities laban sa pananaig ng dayuhan.”
Ang inuukilkil ni Sen. Gatchalian ay may matinding kaugnayan sa magiging kalagayan ng enerhiya sa ating bansa kung kontrolado ng dayuhan ang NGCP. Bagamat pinabulaanan ni NGCP president Anthony Almeda, sinabi ni Matibg na ang transmission line ng bansa ay pwedeng pakialaman ng China, at ang buong sistema ng electric distribution ay maaaring makontrol sa labas ng bansa sa pamamagitan ng supervision, control at data acquisition facility sa Nanjing, China. Lumalawak na ang impluwensiya ng China sa bansa dahil kay Pangulong Duterte. Nang imungkahi sa kanya na gawin niya ang ginagawa ng ibang mga bansa na sobrang higpit ng kanilang polisiya laban sa China dahil iniiwasan nilang mahawa ng novel coronavirus ang kanilang mamamayan, publiko niyang sinabi na hindi niya magagawa ito dahil mabait sa atin ang China. Kailangan suklian natin, aniya, ang kabaitang ito. Marahil ang kabaitang ito na tinuran ng Pangulo ay pagpapautang sa ating bansa ng limpak-limpak na salapi para sa kanyang programang “Build, Build, Build.” Pero, hindi tao ang estado. Ang bawat bansa ay pinagagalaw ng kanyang sariling interes. Wala itong permanenteng kaibigan kundi ang kanya lamang sariling interes. Sa ganito kumikilos si Gatchalian at kapwa niya mga senador na nababahala sa nangyayari sa NGCP. Itinataguyod nila ang sariling kapakanan ng bansa. Sa ganito ring espiritu, ipinagtatangol at itinataguyod ni dating Supreme Court Justice Antonio Carpio ang interes ng bansa sa West Philippine Sea. Makabayan kasi sila.
-Ric Valmonte