“GUSTO ko sanang maresolba sa lalong madaling panahon ang isyu hinggil sa prangkisa ng ABS-CBN, pero ang mga kamay ko ay nakatali at hindi ko maitakda ang mga pagdinig para sa komite,” wika ni Palawan Rep. Franz Alvarez sa isang pahayag. Si Alvarez ay chairman ng House committee on franchise kung saan nakabimbin ang sampung panukalang magpanibago ng prangkisa ng ABS-CBN na magtatapos sa Marso 30. Eh tatagal na lang hanggang Marso 11 ang session ng Kongreso. Kaya, hinikayat ng Makabayan Bloc si Speaker Alan Peter Cayetano na maging tapat sa mandato ng co-equal branch of government na maglaan ng oras para ngayon pa lang ay dinggin na ang kahilingan ng ABS-CBN na ulitin ang kanilang prangkisa. Nagbanta kasi si Pangulong Duterte na haharangin niya ang pagnanais ng ABS-CBN dahil inakusahan niya ito ng panunuba dahil hindi nito inilabas ang kanyang propaganda kahit bayad na noong panahon ng kamapanyahan para sa panguluhan. Iminungkahi pa nga niya dito na ibenta na lang ito.
Sa bantang ito ng Pangulo, ang nakikinabang ngayon sa news and public affairs program ng ABS-CBN ay ang Pangulo at ang kanyang pangunahing spokesman na si Christopher “Bong” Go na ngayon ay senador na. Kahit senador na, wala kang maririnig dito kundi ang nagawa, ginagawa at kung minsan ay ang umano laman ng isip ng Pangulo kapag may nasabi itong masama sa panlasa ng mga tagapakinig. Para bang hindi na alam ng Pangulo ang kanyang sinasabi, kaya ginagawa niyang itong katanggap-tanggap. Mayroon siyang isinisingit na nagawa niya at ginagawa niya pero pinalalabas niya na kaya nangyari ito ay dahil sa Pangulo. Hindi mo na kailangan pa ang maging maalam pa para tantuin kung bakit napakaluwag ng departamentong ito ng ABS-CBN sa Pangulo at kadalasan sa kanyang sidekick na si Senador Go. One plus one equals 2 lang ito.
Nitong nakaraang Lunes ng umaga, nakapanayam si Go sa isang news and public affairs program ng ABS-CBN hinggil sa ibinahing na mikrobyo ng China na kumakalat sa buong daigdig, na kilala na bilang 2019 novel coronavirus. Eh chairman pala siya ng Senate Committee on Health. Matapos sabihin ang ginagawa ng Pangulo para mapangalagaan ang kalusugan ng mamamayan bilang ama ng tahanan, nanawagan siya ng pagkakaisa para mapaglabanan ang dumating na namang problema. Hindi makatutulong, aniya, ang magkalat ng maling balita tulad ng isang Koreanong nakahilata sa kalye na ang kanyang larawan ay lumabas sa social media at sinabing kontaminado ito ng nakamamatay na coronavirus. Lasing pala. Matanong nga si Senador, sino ba ang nagsimula nitong fake news? Hindi ba nagpakatanggi-tanggi ka na hindi ka tatakbo kahit nagkalat na sa iba’t ibang sulok ng bansa ang mga tarpaulin na iwinawagayway ang iyong larawan at pangalan na nagpapahayag na para ka senador. Ginaya mo ang istilo ni Pangulong Duterte. Isa sa pangunahin ninyong tagakalat ng fake news sa social media ay si Mocha Uson na dating nasa presidential communication office, ngayon ay deputy executive director ng Overseas Workers Welfare Administration pagkatapos ng ginawa niyang malaswang anunsiyo na inilabas niya hinggil sa pederalismo. Mahirap umasa na hindi gagayahin ang mga taong nakinabang sa pagpapakalat ng fake news.
-Ric Valmonte