ANG isyung pangkalusugan na gumugulo sa mundo sa kasalukuyan, ay tiyak na makalilikha ng malaking implikasyon sa daigdig at unti-unting makaaapekto sa socio-economic condition ng mga bansa na dumaranas ng pagsubok dahil sa isyung ito. Inaasahan na ng mga eksperto ang pinakamalalang mangyayari kung hindi pa maaagapan ang paglaganap nito. Sa kabilang banda, ang kapalaran ng libu-libong overseas Filipino worker (OFW) na nagtatrabaho sa mga apektadong rehiyon ang tiyak na mapipinsala.
Sa gitna ng mga pagsubok na ito, nakalimutan na ng mga tao na ang naidulot ng migrasyon ng mga Pilipino sa higit isang daang bansa at teritoryo sa nakalipas na apat na dekada ay isang patunay sa magandang legasiya ng dating mamamahayag at labor secretary Blas Ople, ang unang Pilipino na namuno sa International Labor Organization (ILO).
Marahil limitado lamang ang kaalaman ng kasalukuyang henerasyon sa kanya, ngunit sa bisyon ni Ople na ang paglutas sa lumalalang kaso ng kawalan ng trabaho, maaaring ibahagi ng mga Pilipino ang kanilang talento at propesyunal na kakayahan sa abroad at kapalit nito ay makakuha ng malaking kompensasyon para sa kanilang pagsisikap.
Sa panahon kung saan tumataas ang demand sa trabaho sa bansa dahil na rin sa mabilis na lumalagong populasyon, hindi nakamali si Ople sa kanyang pagbasa kung paano matutugunan ang unemployment sa bansa. Gayunman, hindi lamang niya napagtanto ang epekto na malilikha ng kanyang ideya sa pagkilala sa Filipino labor bilang isang world-class manpower at, sa pamamagitan ng mga remittances na ipinadadala ng mga mangagawa, na nagpapatatag sa reserba ng dolyar ng bansa.
Gamit ang kanyang malakas na boses at malinaw na bokabularyo, si Ople sa kabila ng kakulangan sa edukasyon, ay nakalikha ng mga ideya na nagpahanga maging sa liderato ni Marcos. Isang pinuno na hindi natatakot sumubok ng bagong hakbang kung saan maipapakita ng mga Pilipino ang kanilang natatagong talent, at umangat sa larangan; may natatangi rin siyang talent na Makita ang positibong bahagi ng mga bagay.
Ngunit ang mga ginawa ni Ople ay makikita rin sa maraming aspekto na kanyang kinasangkutan.
Bilang labor secretary, pinamunuan niya ang maraming konsepto ng trabaho at ang gawain na nananatili pa rin sa kasalukuyan; bilang pinuno ng ILO, isinulong niya ang talent ng mga Pinoy sa entablado ng mundo.
Bilang mamamahayag, inayos niya ang ilang pangunahing pahayagan sa kanyang panahon habang lantarang inilalantad ang mga anomalya, sinuman ang nakinabang dito; mataas ang kanyang kumpiyansa ngunit marunong makibagay.
Bilang manunulat, ang kanyang mga prosa, ay may malinaw na pagla-larawan, malalim na pag-aanalisa, at gramatikang simple kung magpabilib. At bilang isang kaibigan, isa siyang kaalyado ng bawat isa, nagbibigay ng payo, nag-iimbita sa mga pagtitipon, at sumasama sa selebrasyon ng kanyang mga kasama. Sa madaling salita, magaling makisama.
Ang legasiya ni Ople sa larangan ng labor, bagamat hinahangaan sa ngayon, ay isang bagay na hindi dapat maiwaglit. Ang oportunidad na kanyang binuksan upang makilala ang mga Pilipino sa buong mundo ay hindi dapat mabahiran at masira ng anumang tangkang pagbago sa mga katotohanan o sa makitid na pananaw. Dahil, maituturing na isang idolo si Blas Ople.
Sa pag-alala kay Ka Blas, ipinagdiriwang ng kanyang mga kapamilya at mga kaibigan ang kanyang ika-93 kaarawan nitong Lunes, Pebrero 3, sa Libingan ng mga Bayani.
-Johnny Dayang