Patuloy na binuhay ng Mapua University ang tsansa nilang umabot ng playoff round matapos pataubin ang kanilang kapitbahay sa Intramuros na Lyceum of the Philippines University, 27-25, 25-18, 25-18.

Umiskor ng tig-12 puntos sina Alfredo Pagulong , John Benedict San Andres at Raje Emmanuel Hizon upang pangunahan ang nasabing straight sets win ng Cardinals.

Sanhi ng naturang panalo, umangat ang Mapua sa ika-4 na puwesto taglay ang barahang 4-3, panalo-talo kasunod ng St.Benilde (4-2), Arellano (5-2) at ng mga namumunong University of Perpetual at Emilio Aguinaldo College na parehas pang walang talo matapos ang 6 na laro.

Nag-iisa namang tumapos na may double digit para sa Pirates na nalaglag sa markang 1-6, si Juvic Colonia na may 11 puntos.

Pamilya, naglabas ng opisyal na pahayag sa pagpanaw ni Chino Trinidad

Dulot ng kabiguan, sumadsad ang Lyceum ng ilalim ng standings kung saan kasama nila ang JRU Heavy Bombers.

Sa women’s division, bumawi naman ang Lyceum Lady Pirates nang magaan nitong dispatsahin ang Mapua Lady Cardinals, 25-21, 25-11, 25-16.

Dahil sa panalo, patuloy na binuhay ng Lyceum ang kanilang Final Four bid sa pagtaas nila sa ika-6 na puwesto kasalo ng JRU Lady Bombers hawak ang 3-4 na kartada.

Samantala, bumagsak naman ang Lady Cardinals sa 1-6 na baraha.

Gayunman, hindi na hawak ng LPU ang kapalaran nila dahil kailangan nilang maipanalo ang natitirang dalawang laro at umasang huwag umabot ang University of Perpetual Help (5-1), San Beda University (4-2) at Letran (3-3) ng hanggang 6 na panalo para makapuwersa ng playoff para sa no. 4 spot.

-Marivic Awitan