TINAMAAN na rin ng 2019 novel corona virus Acute Respiratory Disease (nCoV ARD)) ang Pilipinas nang isang 44-anyos na Tsino ang namatay noong Sabado sa San Lazaro Hospital. Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, siya ay naging positibo sa sakit. Siya ang nobyo ng unang kaso ng nCoV na isang 38-anyos na Chinese female na unang nagpositibo sa karamdaman.
Ang magkasintahang Chinese ay mula sa Wuhan City, lumapag sa Cebu City at pagkatapos ay nagtungo sa Dumaguete City ng ilang araw.
Tumuloy sila sa Maynila at noong Enero 21, naratay ang babae dahil sa mga sintomas ng nCoV at naging positibo. Ayon sa report, bumubuti ang kanyang kalagayan, pero ang kasintahan ay namatay sa pulmonya dahil sa “multiple viral and bacterial infections.”
Sinabi ni World Health Organization (WHO) country representative Rabindra Abeyansinghe, ang kaso ng pagkamatay ng Chinese man ang kauna-unahang nCoV ARD sa labas ng China. Isa pa lang ang kamatayan habang sinusulat ko ito. Sa balita noong Pebrero 3, naging 304 tao na ang namatay sa China dahil sa bagong virus.
Nagbabala ang WHO na dapat maging maingat at handa ang iba pang mga bansa sa daigdig sakaling kumalat ang nVoc ARD sa kanilang teritoryo. Batay sa National Health Commission, tumaas ng 45 ang kaso ng pagkamatay at 2,590 ang nadagdag na kaso kung kaya umabot na sa 14,380 ang kabuuang bilang ng apektado ng sakit.
Samantala, pinalawak ni Pres. Rodrigo Roa Duterte noong Linggo ang travel ban sa buong China, kasama na rito ang dalawang administrative regions---Hong Kong at Macau. Saklaw ng kautusan ang lahat ng biyahero mula sa Chinese mainland, Hong Kong, Macau, at ang mga nagpunta sa nasabing mga lugar sa loob ng 14 na araw.
Sinabi ni Sen. Bong Go, matapat na alyado ng Pangulo, na ginawa nito ang desisyon batay sa rekomendasyon ng Intger-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases matapos ang isang pulong noong Sabado.
Ayon kay Go, ipagbabawal ding pansamantala ang biyahe mula sa Pilipinas patungong China at mga teritoryo nito upang makaiwas sa sakit. “Hindi natin sini-single out ang China. Ang utos ay sumasaklaw sa lahat ng biyahero mula China patungong Pilipinas, kahit ano pa ang kanilang nasyonalidad,” paliwanag ni Go.
Una rito, iniutos ni PRRD ang travel ban sa mga Chinese citizens lamang galing sa Hubei province sa eastern China, na pinagmulan ng nCoV ARD, partikular sa Wuhan City. Sinabi ni Executive Sec. Salvador Medialdea na bagamat hindi saklaw ng kautusan ang Filipino citizens at iyong naghahawak ng permanent resident visa na inisyu ng gobyerno, kailangan nilang sumailalim sa 14-day quarantine paglapag sa bansa.
Kung sila ang masusunod, kontra ang mga senador na buwagin ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa US bilang bahagi ng Mutual Defense Treaty (MDT). Nais nilang repasuhin lang ito. Nagalit si PRRD dahil sa pagkansela sa US visa ng matapat at malapit niyang alyado, si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. Nagbanta siyang lalagutin ang VFA ng Pilipinas at ng United States.
Sinabi ni Senate Pres. Tito Sotto na maghahain siya ng isang resolusyon kasama sina Sens. Panfilo Lacson at Aquilino “Koko” Pimentel III, at irerekomenda sa Pangulo na huwag ibasura ang VFA. “Ang sense (gusto) ng Senado ay hindi tapusin ang VFA. Repasuhin, hindi wakasan. Hindi namin siya pinangungunahan,” maingat na pahayag ni Sotto.
-Bert de Guzman