SINISIMULAN na ng pamahalaan ang hakbang upang makapagbigay ng permanenteng relokasyon sa mga residente na nasa loob ng seven-kilometer radius danger zone malapit sa Bulkang Taal, pagbabahagi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles nitong Martes.

Sa isang media forum na idinaos sa Kamuning, Quezon City, sinabi Nograles na nasa 5,000 pamilya na naninirahan sa dalawang bayan ng Batangas na matinding naapektuhan ng pagputok ng Taal, ang posibleng hindi payagan na makabalik sa kani-kanilang mga bahay.

“Basically, we’re preparing for the worst. Lahat, ina-anticipate na kasi natin (We anticipate everything). So, the way this administration, the government works is we try to anticipate everything, create contingency measures, whatever contingencies may come,” pahayag ni Nograles.

“Given what’s been happening to Taal, it may seem that we’re headed towards declaring the seven-kilometer radius as something na hindi na natin pwedeng pabalikin ang mga residente doon,”dagdag pa niya.

Dagdag pa ng opisyal, nasa desisyon pa rin ni Pangulong Duterte kung maisasakatuparan ang mungkahing permanenteng relokasyon para sa mga pamilyang naninirahan sa loob ng danger zone.

Nasa 199 barangay at 15 munisipalidad at siyudad at isinailalim sa total lockdown sa Batangas at Cavite, nang magbuga ng makapal na abo ang bulking Taal noong Enero 12.

Nasa higit 300,000 residente mula sa paligid ng Taal ang inilikas mula sa kanilang mga tahanan, bagamat karamihan sa mga ito ay nakabalik na, makaraang ibaba ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) alert status ng Taal, mula Alert Level 4 patungong 3 nitong Enero 26.

Sa pagbabahagi pa ni Nograles, posible aniyang ilipat ang mga residente sa

housing units sa Laguna, Cavite, at Bulacan.

Siniguro rin nito na magbibigay sila ng tulong pangkabuhayan para sa mga biktima.

“The government has already identified over 5,000 housing projects in nearby provinces in Laguna, Cavite, Bulacan na pwede na nating i-transfer,” anito.

“Kapag ni-relocate natin sila doon, kasama sa relocation package yung livelihood package,” dagdag ni Nograles.

PNA