NOONG magapi ang Imperio ng Japan sa WWII, paano sila nakabangon, at naging isa sa pinakamayamang bansa sa mundo? Dalawang atomic bomb ang hinulog ng Amerika sa Hiroshima at Nagasaki, kung saan nasa kabuuang nasawi ay 105,000. Paano nila nalampasan ito? Sinakop din sila ng puwersang kalaban? Maging ang kanilang Saligang Batas ay pinanday ng dayuhan, ang (Douglas) MacArthur Constitution? Anong mga hakbang ang ipinatupad nila upang umusad at umunlad?
Mahabang paliwanag ito, ngunit sa payak na pagpapaunawa – inihayag ng mga lider ng Japan sa sambayanan ang ganito: “Lugmok ang ating bansa. Bagsak ating ekonomiya. Saan natin itutuon ang kakarampot na pondo ng pamahalaan? Alin uunahin natin? Ang pagpapatayo ng mga nawasak na bahay ninyo? O, ituon ang pondi sa pagbuo at pagpapaayos ng mga pabrika?” Sagot ng mga mamamayang Hapon, “Tsaka na ang mga tirahan namin. Itayo muna ang mga pabrika. Kapag may mga pagawaan na, magkakaroon kami ng hanapbuhay. At tsaka pa namin maipapatayo ang aming tirahan.”
Ang South Korea napasailalim din sa digmaan noong 1950s, na muntik-muntikan ng makubkob ng komunistang North Korea. Sa ngayon, napakayamang bansa na rin nito. Anong pormula ang ipinatupad nila? Simple lang, kinopya nila ang Japan. Pinuntirya ang pagbuo ng mga pabrika sa kanilang ekonomiya! Ang China na pinagtatawanan ang kanilang mga nakumpuning produkto, umunlad na rin dahil ang modelong sinunod nila ay – Japan at Korea. Ang pagtutok sa industriyalisasyon, o programa na magpapatupad ng lokal na pagawaan at pabrika, ang siyang susi sa malawakang empleyo, pabahay, at iba pa. Sa madaling sabi – kaunlaran ng bayan at pamilyang Pilipino. Hanggat hindi natin ito bibigyan ng seryosong pagtugon, hindi uulitin ko, hindi tayo uunlad bilang bansa. Naiwanan na tayo dito sa Asya. Nakatengga pa rin sa pagpapaluwas ng likas na yaman at OFW. Nakanganga tayo sa agrikultura, at magaling sa larangan ng serbisyo at entertainment sa dayuhan. Hanggang “assemble” pa rin tayo ng produkto na ang mga bahagi mula abroad pa rin! Hindi lupa ang kailangan natin, sa halip, Industriya ng Pagawaan!
-Erik Espina