MABUTING mag-ingat sa gitna nang nararanasang epidemya ng coronavirus. Kaya naman hangga’t maaari ay iwasan muna ang matataong lugar, dahil posibleng kumakalat ang virus sa hangin o sa pagdikit. Makatutulong din ang pagsusuot ng face mask sa matataong lugar o sa mga pagtitipon. Nag-abiso rin ang Department of Health na dapat ugaliin ang paghuhugas ng kamay.
Bawat araw, iniuulat ng media ang mga bagong kasong nadiskubre kasama ng balita ng bagong pagkamatay sa bansa na pinagmulan ng virus, sa China, partikular sa siyudad ng Wuhan, sa Hubei province, gayundin sa ilang bansa. Mabuting malaman natin ang mga nagaganap na pagbabago sa mundo ngunit dapat din tayong maging maingat sa kaso ng pagpapanic sa mga aksiyon nating ginagawa dahil sa takot na mahawa ng sakit.
Hanggang nitong Martes, naitala na ang 426 pagkamatay at 17,205 kaso ng sakit sa China. Isang kaso naman ng pagkamatay ang naitala sa Pilipinas, isang turistang Chinese mula Wuhan, kung saan nagsimula ang coronavirus. Hindi bababa sa 171 na kaso ang naitala na sa mahigit 20 bansa at lahat ng ito ay tinututukan na at ginagamot.
Gayunman, dapat ding maipunto na una na tayong dumaan sa higit na malalang kaso ng epidemya sa mga nakalipas na panahon. Noong 1976, naranasan natin ang ebola epidemic na nagsimula sa Zaire, na ngayon ay Democratic Republic of the Congo sa Africa, na kumitil sa buhay ng nasa 16,300 mula sa 29,000 kaso mula 1976 hanggang 2018.
Unang lumitaw naman ang SARS—Severe Acute Respiratory Syndrome—sa katimugang China noong 2002; na pumatay ng 774 mula sa 8,098 kaso sa 17 bansa.
Ang MERS—Middle East Respiratory Syndrome—ay pumatay ng 858 mula sa 2,694 kaso noong 2012, karamihan ay sa Saudi Arabia.
Habang ang avian flu noong 2013—H7N9—ay pumatay ng 36 mula sa 131 na kaso sa eastern China.
Ngunit ang pinakamalaking bilang ng pagkamatay sa isang viral epidemic ay nangyari sa paglaganap ng novel influenza virus H1N1 na nagsimula sa United States noong 2009. Umabot sa 284,500 ang pinatay nito mula sa 1,432,258 kaso sa buong mundo.
Hanggang nitong Martes, nasa 426 katao na ang namamatay mula sa coronavirus, karamihan ay sa China, at marami pa ang inaasahang maitatala sa mga susunod na araw. Ngunit ang mga siyentista ng mundo, partikular sa China, ay nakatutok na sa paggawa ng bakuna. Nagawa nila ito sa mga nakaraang epidemya at magagawa rin nila ito ngayon. Kailangan lamang mamuhay ng mundo sa mga virus na ito na tahimik na naninirahan sa iba’t ibang uri ng hayop tulad ng ahas, unggoy, paniki, at mga ibon, na hindi inaasahang magmu-mutate sa isang porma na makaaapekto sa buhay ng tao.
Nagpatupad na ang Pilipinas ng protective measure upang malabanan ang coronavirus, kabilang ang pagbabawal sa pagpasok sa bansa ng mga dayuhan at pagbiyahe ng ating mga kababayan sa bansang pinagmulan ng sakit. Para sa mga Piliino na walang planong maglakbay, kailangang maging kalmado.
Kailangan nating sundin ang pangunahing paalala ng Department of Health, at tanggapin ang pagsisiguro ni Pangulong Duterte na walang dapat katakutan. Dumaan na tayo sa ganitong sitwasyon dati at malalampasan din natin ito nang hindi natin namamalayan.