Asahan na magiging abala ang pambato ng Pilipinas sa karate na si Junna Tsukii sa pagsabak sa magkakasunod na Olympics qualifying para makumpleto ang hinahangad na puntos para sa 2020 Tokyo Games.

Ayon sa Fil-Japanese, malaki ang kanyang tsansa na makalusot sa Olympics kung malalahukan ang mga torneo abroad na nagbibigay ng ranking points para sa quadrennial Games.

“There is a strong chance of me to qualify in Tokyo Games. I still have to go through the qualifiers but with hard work and determination we will get there,” pahayag ni Tsukii.

Sasabak sa mga qualifying Olympic event ang 29-anyos na si Tsukii tulad ng Karate 1 Premier League tournaments na gaganapin sa Dubai ngayong Pebrero 14-16, kasunod ang torneo sa Austria na gaganapin sa Pebrero 29 hanggang Marso 1, ang labanan sa Morocco sa Marso 13 hanggang 15 at sa Spain sa Abril 19.

Muntik mag-suntukan! Beermen vs Taoyuan, nagkainitan sa PBA-EASL

Mahahalagang puntos ang kailangan ni Tsukii buhat sa mga nasabing kompetisyon upang maiangat ang kanyang ranking at makakuha ng tiket patungong Tokyo Japan nitong Hulyo.

Sakaling kapusin si Tsukii, may isa pa siyang tournament na sasabakan ngayong Mayo na gaganapin sa Paris France.

Buong suporta naman ang nakukuha ngayon ng nasabing karateka buhat sa Philippine Sports Commission (PSC), kung saan handang balikatin lahat ng kanyang byahe, maisulong lamang ang paglahok sa palaro ng buong mundo.

Kamakailan lamang nang magwagi si Tsukii ng dalawnag bronze buhat sa Paris, bagama’t nauna dito ang gintong medalya na kanyang nasungkit sa kampanya ng bansa para sa 2019 SEA Games, dalawnag buwan na ang nakakalipas.

-Annie Abad