MGA premyadong atleta mula sa Central Luzon ang nagtipon sa New Clark City para sa Opening Ceremony of the State Colleges and Universities Athletic Association (SCUAA) III Olympics.

Ang mga kalahok buhat sa 13 eskuwelahan ay pumarada sa Athletics Stadium nitong Linggo sa seremonya na dinaluhan din ng mga opisyales ng lokal na pamahalaan ng Capas at host school Tarlac State University.

Ang SCUAA III Olympics ay tatagal ng anim na araw buhat kahapon hanggang sa Pebrero 8 kung saan tampok ang mga sports na athletics at swimming na gaganapin sa 20,000-seater Athletics Stadium at 2,000-seater Aquatics Center.

“Deka-dekada na ang lumipas na wala tayong world-class facilities para sa ating mga atleta. Ngayon meron na, dapat lang magamit ito at pakinabangan ng ating mga kababayan lalo na ang mga kabataan at tingin ko lalong gaganahan ang ating mga atleta, lalo na ang mga future medalists natin,” pahayag ni BCDA President at CEO na si Vince Dizon.

Another gold! Hidilyn Diaz, isa nang guro sa UP Diliman

“Nakikita niyo naman ang salita ni Pangulong Duterte ay hindi lamang naiiwanang salita. Itong mga sports facilities dito sa New Clark City ay patunay ng kanyang commitment na gawing priority ang sports development sa buong bansa,” aniya.

Kabilang sa 13 Unibersidad at Kolehiyo na lumahok ay ang Tarlac State University, Aurora State College of Technology, Bataan Peninsula State University, Bulacan Agricultural State College, Bulacan State University, Central Luzon State University, Don Honorio Ventura State University, Nueva Ejica University of Science and Technology, Philippine Merchant Marine Academy, Pampanga State Agricultural University, Philippine State College of Aeronautics, President Ramon Magsaysay State University, at ange Tarlac Agricultural University.

“Masayang masaya kami na ginawang venue ito ng state universities and colleges kasi itong mga facilities na ito, kagaya ng sinasabi natin last year, hindi lang para sa SEA Games. Mas importante, ito ay para sa ating mga kabataan at future athletes,” ayon pa kay Dizon.

Kabuuang 18 sporting events ang lalaruin sa SCUAA III Olympics kasama ang arnis, archery, athletics, badminton, basketball, baseball, beach volleyball, boxing, chess, football, futsal, karatedo, lawn tennis, sepak takraw, softball, swimming, table tennis at volleyball.

Ang magwawagi na sa nasabing SCUAA Region III ay lalaban naman sa SCUAA national games na nakatakda sa susunod na buwan.

-Annie Abad