HABANG ang maraming bansa sa daigdig ay abala sa pagkontrol sa bagong sulpot na novel corona virus (2019 nCoV) at isinasara ang kanilang mga paliparan at daungan sa pagpasok ng Chinese nationals, partikular sa Wuhan City at Hubei province, ang Pilipinas naman ay parang nag-aatubili pa noong una na isara ang mga airport at pier.

Napilitan lang iutos ng liderato ng bansa ang pagsasara sa mga paliparan at daungan nang mismong ang mga airline companies, gaya ng Cebu Pacific, Philippine Air Lines, at Air Asia, ang nagpatupad ng hindi paglipad sa iba’t ibang panig ng China.

Marami nang biktima habang sinusulat ko ang nCoV mismo sa China. Libu-libo pa ang infected ng karamdamang ito. Maging ang ibang mga bansa ay dinarapuan na rin ni nCoV at meron na rin silang mga kababayan na nagkakasakit.

Sa balita noong Linggo, lalo raw na-isolate ang China bunsod ng coronavirus epidemic na kumitil na ng may 259 mamamayan sa bansa ni Pres. Xi Jinping. Nagkukumahog ngayon ang bansang may 1.2 bilyong populasyon upang makatagpo ng gamot o lunas sa kumakalat na epidemya na galing sa kanila.

May mga nagbibiro pang kapag “Umubo ang China, nilalagnat ang daigdig.” Kabilang sa mga bansa na “nilalagnat ngayon” ang US, Great Britain, Russia, Sweden, Australia, Japan, Singapore, Thailand, South Korea, indonesia, Pilipinas at iba pa.

Sa pinakahuling ulat, kinansela na ng Cebu Pacific ang lahat ng biyahe o flights nito sa pagitan ng Pilipinas at mainland China mula Pebrero 2 hanggang Marso 29 habang naghihintay na makontrol ang novel corona virus. Ganito rin ang desisyon ng PAL at Air Asia.

Kung baga sa sakit, ang China ngayon ay parang isang tao na may ketong, iniiwasan ng kapwa mga bansa sa buong daigdig. Umiiwas ngayon ang mga bansa sa pagtungo sa China at naghigpit sa pagpasok ng Chinese nationals sa kanilang mga teritoryo. Ngayon ay sarado na rin ang PH airports at piers.

oOo

Sino raw ba ang papalit kay Manila Archbishop Luis Antonio Tagle na hinirang ni Pope Francis bilang Prefect of the Congregation for Evangelization of People, isang mahalagang posisyon na kilala bilang “Red Pope”? Anong malay natin baka balang araw ay maging Santo Papa si Cardinal Tagle.

Batay sa balita, kabilang sa posibleng pumalit kay Tagle bilang Arsobispo ng Maynila ay apat na obispo—Archbishop Gilbert Garcera ng Lipa City, Archbishop Socrates Villegas ng Lingayen-Dagupan, Caloocan Bishop Pablo David, at Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara. Tanging si Pope Francis lang ang may karapatang humirang sa kapalit ni Tagle.

Samantala, dasalin natin ang Oratio Imperata ng Simbahang Katoliko para mawala ang novel Corona virus, tumahimik ang Bulkang Taal, maging kaunti ang bagyo sa Pinas, tumaas ang antas ng tubig sa Angat Dam, at maging masagana ang buhay ng mga Pinoy ngayong 2020!

-Bert de Guzman