PORMAL nang umalis ang United Kingdom (UK) bilang kasapi ng European Union (EU) nitong Enero 31, matapos ang ilang buwan ng kawalan ng desisyon sa British Parliament kung saan hindi makakuha ng sapat na suporta si Prime Minister Boris Johnson para sa kanyang planong pag-alis ng Britain– Brexit – mula sa EU.
Naisakatuparan na ngayon ang pagkalas nang walang malaking problema, kung saan nagkasundo ang magkabilang panig sa isang transition period hanggang sa pagtatapos ng 2020. Sa panahong ito, patuloy pa ring makikilahok ang UK saEUCustoms Union and Single Market at gagamitin ang EU law. Sapat din ang panahon upang mapagdesisyunan ang daan-daang kasunduan para sa EU, kabilang ang sa kalakalan, aviation at fisheries.
Paano makaaapekto ang Brexit sa Pilipinas? Sinabi ni Secretary of Trade and Industry Ramon Lopez, na kabilang ang UK sa pangunahing katuwang ng Pilipinas sa kalakalan. Sa pamamagitan ng Free Trade Agreement (FTA) sa UK nagbibigay ito ngayon ng oportunidad sa atin na makapagtatag ng mas malakas na ugnayang pangkalakalan, aniya.
Noon pang 2016, nang bumoto ang UK pabor sa pag-alis sa Eu, nagkaroon na nang negosasyon para sa posibleng bilateral free trade agreement kapag naisakatuparan na ang Brexit. “There will be more flexibility for the UK and the Philippines,” pahayag ni British prime minister’s trade envoy to the Philippines, MP Richard Graham.
“The UK has a strong service sector and we are a very open country. We are also not sensitive about agricultural produce from the Philippines,” aniya. Nakikita rin niya ang oportunidad para sa dalawang bansa, sa pagpapalakas ng kalakalan at pamumuhunan sa sektor ng imprastraktura, textile, consumer goods, aerospace, defense, manufacturing, at edukasyon.
Samantala, tuloy ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa EU at sa 27 miyembro nitong bansa na tuloy sa pagbuo ng isang single market ng 450 million tao at higit 20 million negosyo. Ito rin ang largest development aid donor ng mundo, ayon kina Josep Borrell, high representative at vice president ng European Union, at Michel Barnier, head of the task force for relations with the UK.
Magkakaroon ng mga pagbabahago sa pakikipag-ugnayan natin sa UK at EU, ngunit magkakaroon din ng mga oportunidad para sa ating bansa, sa pag-a-adjust natin sa Brexit.