OPISYAL nang inilunsad nitong Lunes, ng lokal na pamahalaan ng San Fernando, Pampanga ang national advocacy campaign, na “Disiplina Muna.”

Ang naturang kampanya ay nilikha ng Department of the Interior and Local Government (DILG) upang maisulong ang kultura ng displina sa mga Pilipino at hikayatin ang lahat ng local government units (LGUs) na palakasin ang kani-kanilang komunidad sa aspekto ng pakikilahok.

Pinangunahan ni Mayor Edwin Santiago, kasama si Vice Mayor Jimmy Lazatin, at ng ibang city officials, at mga kinatawan ng ahensiya ang paglulunsad ng kampanya sa isang oath-taking ceremony sa City Hall ng lungsod, na hudyat ng pagsisimula ng kanilang tungkulin bilang mga frontrunners sa paggabay sa mga residete sa pagsuporta sa kampanya.

Isang pledge of commitment din ang nilagdaan noon bilang bahagi ng paglulunsad ng aktibidad.

“Itong kampanya ng DILG, makatutulong sa ating mga Fernandinos upang mas mabigyan pa tayo ng tamang direksyon sa pagsunod sa mga simpleng batas, regulasyon, o alituntunin na akma sa salitang ‘disiplina,” aniya.

Samantala, sinabi ni City Local Government Operations Officer Marites Quillope, na ang kampanya ay bahagi ng DILG Memorandum Circular 2019-121 na naguutos ng clearing operations ng mga LGUs at iba pang programa ng ahensiya para sa layuning maituro ang kultura ng disiplina sa mga Pilipino.

Bilang siyang pinunong ahensiya ng programa, naglatag na ng mga aktibidad ang City Public Order and Safety Coordinating Office (CPOSCO), na may kaugnayan sa kampanya.

Isa sa mga programang ipatutupad ang CPOSCO Barangay Deputation Program, isang seminar at orientation para sa mga opisyal ng barangay.

Bahagi nito ang pagpapatupad ng mas pinaigting na anti-illegal parking and obstructions operations sa iba’t ibang lugar.

PNA