KUNDI ko nakasabay ay ‘di ko pa marahil makikita ang nakaaawa na kalagayan ng mga senior citizen at maging ng mga batang bitbit ng kanilang magulang, sa araw-araw nilang pagsakay sa Metro Rail Transit 3 (MRT3) na bumibiyahe sa 16.9 kilometers na bahagi ng Efipanio delos Santos Avenue o EDSA.
Naturingan pa man din na ang unahang bahagi ng lahat ng tren ng MRT3 ay para sa kapakanan at kaginhawaan ng mga senior citizen (SC), may kapansanan (PWD), buntis at mga may kalong na sanggol at bata, subalit kabaligtaran ito sa tunay na nararanasan ng mga ito sa loob ng tren ng MRT3, lalo pa’t natapat sa “rush hour” ang kanilang pagsakay rito.
Pag-akyat pa lamang sa bawat MRT3 station na nakatayo sa 13 piling mga lugar sa kahabaan ng makasaysayang EDSA – ang natatanging highway marahil sa buong mundo na ang mga sasakyan ay tumatakbo ng mula isa hanggang tatlong kilometro lamang kada oras tuwing rush hour – ay parusa na sa mga senior citizen na tulad ko, lalo pa nga sa mga babaing buntis at may bitbit na mga bata.
Naturingan kasing may mga escalator at elevator - na siguradong ginastusan ng milyones upang maging kaaya-aya ang pagsakay sa MRT3 –ngunit karamihan sa mga ito ay walang silbi lalo na sa mga senior citizen, dahil karamihan dito ay malimit na nakasarado, sira at ‘di gumagana.
Ang tanging nakita kong nakikinabang sa mga sirang elevator at escalator sa mga MRT3 station ay ‘yung mga ambulant vendor na naka-puwesto sa gilid at harapan ng mga ito, o ‘di kaya naman ay ‘yung mga taong bangketa na ginagawang “hotel” sa gabi ang naturang mga puwesto.
Yung mas minalas-malas pa ngang lugar ng mga sirang elevator at escalator ay umaalingasaw sa panghi dahil ginawa pang palikuran ng mga lalaki – lalo na ‘yung mga galing sa barikan – na inabot ng “may I go out” sa kalsada. Problema rin kasi ang ilang CR sa mga istasyon na palaging sarado at ang tanging nakabukas lamang ay ‘yung para sa mga staff ng MRT3 station.
At ito ang siste, makasakay man ang mga kawawang senior citizen, PWD at may kargang mga bata, siguradong karamihan sa mga ito ay mapipisa sa sobrang siksikan sa bahaging ito ng tren na nakalaan para sa kanila.
Makailang beses na nga akong may nakasakay na mga batang nag-iiyakan dahil sa sobrang siksikan, lalo pa’t kapag nasabayan nang pagloloko ng aircon ng tren, halos ‘di na makahinga ang mga pasahero sa sobrang init.
Minsan nga, may mga pasahero – halatang naiirita sa nakatutulig na iyak ng mga paslit na naipit sa loob ng siksikang tren – ang nagpasaring sa mga magulang na may dala-dalang bata sa kanilang pagsakay sa MRT3. Hindi raw dapat naisinasama pa ang mga paslit sa kanilang lakaran dahil maiipit lamang ito, lalo na kapag rush hour.
May mga magulang na napasaringan ang hindi nakatitiis at sumagot: “Ang MRT lamang kasi ang kaya ng bulsa namin kaya nagtitiis kami sa ganitong kalagayan. Yung mga may sariling kotse dyan, ‘wag na kayong magtipid sa gasolina at ‘wag makipagsiksikan dito sa amin para lumuwag naman at maginhawaan kaming mga mahihirap dito.”
Aminado naman ang Department of Transportation (DoTr) sa problemang ito ng MRT3. Sa 34 na Mitsubishi escalator ng MRT3 ay 20 lamang ang nagagamit. Ang lahat naman ng 12 escalator na Schindler ay sira.
Medyo duda naman ako sa sinasabi nilang sa 32 Fuji elevators ay 30 ang operational, at ang dalawa rito na nasa Ayala station ay kinukumpuni pa.
Sabi ng DoTr: “Tiis muna. Matapos ang rehabilitasyon ay malaking ginhawa naman ang mararanasan ng ating mga mananakay.”
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.