SA Facebook ay may nag-post ng ganito: “Umubo ang China, maraming bansa ang nilagnat.” Sa isang bersiyon naman ay ganito: “Nang umubo at bumahing si Xi Jinping, nilagnat sina Trump, Putin, Trudeau, Merkel, Abe, Moon Jae-i, at maging ang Pangulo ng Pilipinas na Bff ni Xi.

Noong Huwebes, kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang unang kaso ng 2019 novel corona virus (nCov) na nananalasa ngayon sa maraming bansa sa daigdig. Sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III, na isang 38-anyos na female tourist mula Wuhan City, China, ang episentro ng sakit, ang unang kumpirmadong kaso ng nCov infection sa Pilipinas.

Ayon kay Duque, nag-positibo sa nCov ang turista na galing sa Wuhan, at naka-confine sa isang ospital ng pamahalaan. Dinala siya sa pagamutan noong Enero 25, apat na araw matapos dumating sa ‘Pinas. Nakapunta na raw ito sa Cebu at Dumaguete. Tinutunton ang lahat ng kanyang pinuntahan.

Sinabi ng Kalihim na ang babaing Intsik ay kasalukuyang asymptomatic o hindi na nagpapamalas ng mga sintomas ng impeksiyon. Hindi binanggit ni Duque ang ospital, pero tinukoy ito ni Sen. Bong Go bilang ang San Lazaro Hospital. Nasa isolation area ang Chinese tourist para hindi makahawa.

oOo

Tiniyak ng Malacañang na hindi maaapektuhan ang Mutual Defense Treaty (MDT) at ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa desisyon ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na tapusin ang Visiting Forces Agreement (VFA) ng Pilipinas at ng United States.

Pinaalalahanan naman ni presidential spokesman Salvador Panelo ang lahat ng miyembro ng gabinete at mga opisyal ng pamahalaan, na sundin ang direktiba na huwag silang magbiyahe sa Estados Unidos.

Pinagbawalan ni PRRD na maglakbay ang cabinet secretaries at mga pamilya nila sa US matapos ihayag na puputulin ang VFA sa pagitan ng Pilipinas at ng United States. Ang tanging exempted sa travel ban ay si DFA Sec. Teodoro Locsin Jr. na ngayon ay nasa Washington at on official business.

Ayon kay Spox Panelo, ang travel ban ay isang uri ng boycott o protesta sa aksiyon ng US sa kanselasyon ng visa ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, dating PNP chief, at implementor ng drug war ni PDu30, na Operation Tokhang. Libu-libong pushers at user ang napatay sapul nang ipatupad ang kampanya laban sa illegal drugs noong 2016.

Sinabi ni Panelo na ang MDT at EDCA ay mananatili subalit isasailalim ang mga ito sa review o muling pagsusuri upang malaman kung ito ay pabor sa Pinas o pabor lang sa US. Maging ang Senado ay nakahandang repasuhin at suriin ang MDT at EDCA.

Para kina Sens. Panfilo Lacson at Richard Gordon, hindi dapat pabigla-bigla si PRRD sa pagbuwag sa VFA sapagkat higit na madedehado rito ang PH kaysa US. Marami umanong benepisyo ang matatamo ng bansa sa pananatili ng VFA kesa ito ay biglang puputulin dahil lang sa isyu ng visa cancellation ni Sen. Bato.

Sa gitna ng umiiral na nCov sa maraming panig ng daigdig, kabilang ang Pilipinas na tinamaan ng unang kaso ng ganitong sakit, nag-isyu ang Simbahang Katoliko ng “Oratio Imperatra”, isang dalangin na tumitingala sa langit at nagmamakaawa sa Diyos na sana’y tulungan ang ating bansa na makaligtas sa karamdamang ito mula sa China.

-Bert de Guzman