TANGING 108 sanitary landfills o anim na porsiyento ng itinakdang kabuuang bilang ng landfill sa bansa ang naitatag sa nakalipas na 20 taon matapos ipatupad ang Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act.

Ibinahagi ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary for Solid Waste Management and Local Government Units (LGU) Concerns Benny Antiporda na nanatiling maliit lamang ang bilang ng mga sanitary landfill sa bansa.

“What we need in this country is about 1,700 sanitary landfills for all the municipalities and cities. But, sad to say, we only have 108 as of the moment and this number could even decrease in the future,” pagbibigay diin ng opisyal.

“Our sanitary landfill are filled up and what happens next is some might go back to open dumpsite, which is illegal under RA 9003. We will not allow this to happen,”dagdag pa nito.

Ang sanitary landfill ay isang pangunahing panmatagalang solusyon para sa solid waste disposal na pinahihintulutan ng RA 9003.

Nabanggit din ni Antiporda na sa ilalim ng batas, kinakailangan ang isang sanitary landfill sa anumang LGU bilang paraan ng safe disposal ng mga untreated solid waste o resource recovery residuals.

Sa ngayon, tinitingnan na ng DENR ang pagtatayo ng mas maraming engineered sanitary landfills na itatayo bago 2022, upang matugunan ang lumalagong problema ng bansa sa solid waste management.

Gamit ang “engineered” method of landfilling, dadalhin ang mga basura sa isng disposal facility na nakadisenyo, itinayo at patatakbuhin sa paraang ligtas mula sa kalusugan ng publiko at sa kalikasan.

Una nang ipinag-utos ni DENR Secretary Roy Cimatu, na siya ring pinuno ng National Solid Waste Management Commission, na i-“review and revise” ang DENR Administrative Order 2001-34 o ang implementing rules at regulations ng RA 9003 upang mas mapadala at mas mura ang pagtatayo ng mga sanitary landfill.

Binigyang-diin naman ng DENR chief, na maraming LGU ang nahihirapang makasunod sa batas lalo’t magastos at komplikado ang pagpapanatili ng isang sanitary landfill.

-Ellalyn De Vera-Ruiz