Walang nakikitang dahilan ang Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MMDRRMC) para mag-panic ang publiko sa gitna ng banta na dala ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 n-CoV ARD).
Kahapon ng hapon sa ginanap na pulong ng MMDRRMC, tiniyak sa publiko ni Metropolitan Manila Development Authority General Manager Jojo Garcia na ang gobyerno, partikular ang Department of Health (DOH), ay nakatutok sa sitwasyon makaraang makumpirma ang dalawang kaso ng 2019 n-CoV ARD sa bansa.
Ayon kay DOH-National Capital Region Director Dr. Corazon Flores, kinakailangang sumailalim sa atensiyong-medikal at screening ang isang indibiduwal na nakararanas ng flu-like o kapareho ng trangkaso at respiratory symptoms, lagnat, ubo at hirap sa paghinga; mayroong travel history sa Wuhan, China sa nakalipas na 14-araw o kaya naman nagkaroon ng interaksiyon o nakasalamuha ang mga tao mula sa nabanggit na lugar.
Binigyang-diin ni Flores na kinakailangang maabot ang mga nabanggit na criteria upang maikonsidera kung ang isang tao ay sasailalim sa imbestigasyon at kalauna’y quarantine.
Dagdag pa ni Flores, kung wala ang isa sa mga nabanggit na criteria, hindi na ito kinakailangang sumailalim sa 2019-nCoV testing, gayunpaman ay kinakailangan pa rin ang agarang atensiyong medikal.
Umapela rin si Garcia sa publiko na huwag magkalat ng maling impormasyon patungkol sa virus.
“Umiwas po tayo sa pagpapalaganap ng fake news at makinig lamang sa mga eksperto at mapagkakatiwalaang source upang maiwasan ang panic,” paliwanag ni Garcia.
Aniya, kung mayroon mang hinihinalang kaso ng 2019 n-CoV ARD, maaaring tumawag ang publiko sa DOH sa pamamagitan ng anti-nCoV hotline: 8711-1001 at 8711-1002.
May kani-kaniya ring emergency hotline numbers ang mga local government unit sa Metro Manila na maaaring kontakin ng publiko. Tiniyak pa ni Garcia sa publiko na ‘fully equipped’ o kumpleto sa kagamitan ang mga ospital sa Kalakhang Maynila upang mai-screen ang mga hinihinalang carrier ng virus.
“Ang ating local disaster risk reduction and management offices ay sinanay din para rumesponde sa ganitong sitwasyon. Ilang linggo bago pa man ianunsyo na mayroon nang kumpirmadong kaso ng n-CoV sa bansa, nabigyan na ang mga ito ng sapat na orientation para mai-coordinate sa mga ospital kung may hinihinalang kaso ng virus at triaging systems,” ani Focal Person for Disaster Risk Reduction and Management Office and Metropolitan Public Safety Office Chief Michael Salalima
Ipinabatid naman ni Department of Interior and Local Government NCR Assistant Regional Director Juan Jovian Ingeniero na binigyan na ng ‘full authority’ ang lahat ng local chief executives nang sa gayon ay makontamina ang virus.
Base sa inilabas na memorandum ni DILG Secretary Eduardo Año, may kapangyarihan ang isang alkalde na umakto bilang anti-coronavirus information manager, local crisis manager, at environmental health manager upang maipalaganap ang impormasyon ukol sa corona virus at masigurong namimintina ang kalinisan sa kani-kanilang nasasakupan.
Kamakalawa, Pebrero 2, umaabot na sa 36 katao ang sumasailalim sa imbestigasyon, dalawa ang kumpirmadong may n-CoV virus habang isa ang naitalang nasawi, batay sa datos ng DOH. Kasalukuyan pang naka-admit sa iba’t ibang ospital ang 23 katao samantalang nakalabas na ng ospital ang 10 iba pa subalit ang mga ito ay pawang ‘under monitoring’.
-Bella Gamotea