NASA gitna ng malalim at madilim na taglamig ang northern hemisphere, ngunit sa babang bahagi ng southern hemisphere ng mundo, sa Australia, patuloy na naglalagablab ang bushfires na halos apat na buwan nang nananalasa at ngayo’y nagbabanta na rin sa kapital ng bansa, ng Canberra.
Napabalitang hindi na makontrol ang sunog sa bahagi ng Australian Capital Territory, na matindi ang pagkalat at halos 20-minuto lamang ang layo sa timog ng Parliament house sa Canberra. Umakyat na sa 42 degree Celsius ang temperature sa lugar, habang patuloy na lumalawak ang sunog, na pinatitindi ng malakas na hangin.
Nasa higit 35,800 ektarya ng kagubatan at farmland ang nasira sa Canberra, na may tinatayang 400,000 residente. Kasinglawak ito ng Clark Green City sa Central Luzon at halos kalahati ng 64,000 ektaryang lawak ng Metro Manila. Sa buong bansa, nasa 11,000 milyong ektarya na ng lupain ang natutupok nito; o halos kasinglawak ng Mindanao.
Mapalad tayo na hindi nangyayari sa ating bansa ang ganitong kalalang sunog. May ulan pa rin tayong dapat ipagpasalamat. Madalas pa rin ang lokal na pag-ulan sa ating mga isla. Nararanasan din natin ang “habagat” na nagdadala ng mga water vapor mula sa equatorial areas sa southwest na nagsisimula tuwing Mayo. Dumaraan din sa atin ang malalakas na mga pag-ulan dala ng mga bagyo o sama ng panahon na nagmumula sa Pasipiko at iba sa ilang bahagi ng taon.
Inaayawan natin ang baha na dala ng mga pag-ulang ito, ngunit kung wala ito, hindi magiging berde ang ating mga lupain tulad ngayon. Magiging tulad sila ng mga tigang na lupain sa Australia na ngayo’y nagdurusa sa ‘di makontrol na sunog, karamihan ay nasa katimugang bahagi ng kontinente, at ngayo’y nagbabanta naman sa kabisera mismo ng bansa, sa Canberra.
Ngunit bago ang pag-ulan sa Mayo, kailangan natin dumaan sa panahon ng tag-init na magsisimula, isang buwan mula ngayon. Nakaranas tayo ng mainit at walang bagyo na tag-init noong nakaraang taon, kaya naman bumagsak sa kritikal na lebel ang tubig sa Angat Dam at kinailangang rasyunan ng tubig ang silangang bahagi ng Metro Manila. Tiwala naman tayo sa plano na inaprubahan noong nakaraang taon—kabilang ang pagtatayo ng mga bagong dam at iba pang pagkukunan ng tubig, na isinasakatuparan na.
Sa ngayon, patuloy tayong nakaantabay sa nagaganap na sunog sa Australia, at umaasa na mapipigilan ito, lalo na ngayon na nagbabanta ito sa kabisera ng bansa, sa Canberra.