Nabigong maipuslit sa bansa ng isang babaeng pasaherong Thailander ang bagahe nito na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P28 milyong piso nang mabisto sa X-ray scanning machine sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Bureau of Customs (BOC)-NAIA, District Collector Carmelita ‘Mimel’ Talusan ang suspek na si Pakjira Janwong, nasa hustong-gulang, at pasahero ng flight Z2 288 galing Bangkok, Thailand.
Dakong 3:00 ng madaling araw nitong Lunes, dumating sa airport ang dayuhang suspek dala ang kanyang bagahe kung saan idinaan sa X-ray scanning, dito nadiskubre sa TV monitor ang kahina-hinalang hugis ng pulbos (‘shabu’) na nakatago sa tatlong pakete na ibinalot sa carbon paper at packaging tape.
Mabilis na pinigil ng mga tauhan ng BOC at airport authorities ang suspek at agad na isinailalim sa physical examination ang nasa loob ng bagahe kung saan tumambad sa kanila ang naturang shabu na tumitimbang ng 4.125.
Idiniretso ang Thailander sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang sampahan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Pasay Prosecutor’s Office.
-Bella Gamotea