INARESTO nitong nakaraang Miyerkules (Huwebes sa Pilipinas) sina Guia Cababactulan, Marissa Duenas at Amnda Estopare, pawang administrator ng Philippine based- Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Christian sect. sa Los Angeles, California sa salang immigration fraud. Sa ganitong paraan umano nila dinadala sa Amerika ang kanilang mga kasapi upang mangalap ng pondo para sa pekeng kawanggawa.
Nililinlang para maging tagakalap ang kanilang mga miyembro, at upang makapamalagi sila sa Amerika, gumagawa sila ng mga paraan kabilang na rito ang huwad na kasal. Ayon sa federal criminal complaint, ang mga miyembro ng simbahan ay nangongolekta ng mga donasyon para sa non-profit Joy Foundation USA para ipamahagi sa mga dukhang bata sa Pilipinas. “Sa halip na mapunta sa mga mahihirap na bata, ang pondong nakolekta ay ginamit para sa operasyon ng simbahan at maluhong pamumuhay ng nagpundar nito at lider na si Apollo Quiboloy,” wika ng mga tagausig. Bukod sa pagiging evangelist, si Quiboloy ay katiwala ng Sunshine Media Network International, isang television network na nakabase sa Davao City. Siya ay may-ari ng mga radio stations at dalawang pahayagan. Itinatag niya ang “Prayer Mountain and Paradise of the Garden of Eden,” ang walong ektaryang compound sa paanan ng Mt. Apo sa Davao kung saan ipinatayo niya ang kanyang mansion.
Malapit na kaibigan ni Pangulong Duterte si Pastor Quiboloy. Nang nagkukunwaring hindi tatakbo si Pangulong Duterte noon, nagrally si Quiboloy at ang mga miyembro ng kanyang sekta sa Quirino Grandstand sa Maynila upang hikayatin itong tumakbo. Ayon sa kanya, napaginipan niyang magiging pangulo ito. Nagkatotoo naman. At baka naman din totoo iyong sinabi niya sa kanyang lingguhang TV show, “Give Us This Day,” na pinatigil niya ang 6.6 magnitude na lindol na nagpayanig sa North Cotabato at karatig-lugar nito, bagamat nang sabihin niya ito ay tumigil na ang lindol. May sarili ring eroplano at helicopter si Quiboloy na ipinahiran niya kay Pangulong Duterte sa panahon ng kampanyahan para sa panguluhan. Nagbanta pa siyang pangungunahan niya ang rebolusyon kapag dinaya si Duterte sa halalan.
Ang KAPA ay isang ring religious sect na tulad ng KOJC ni Quiboloy ay kumakalap ng donasyon. Ang pagkakaiba ng dalawa ang KOJC ay limitado lang sa pangongolekta ng donasyon. Ang KAPA, bukod sa paghingi ng donasyon, ay pumasok sa investment business. Iyong mga donasyon ng mga miyembro ay tumutubo. Kaya, napakabilis ang pagdami ng mga kasapi ng KAPA dahil kumikita ang mga miyembro at magiging miyembro nito mula sa kanilang donasyon sa sektang ito. Animo’y nagkaroon ng kalaban ang KOJC ni Quiboloy. Binanatan ni Pangulong Duterte ang KAPA dahil, aniya, investment scam ito. Pumalag ang mga miyembro dahil nalagay sa panganib ang kanilang mga perang inilagay na puhunan sa KAPA. Kinansela ng Securities ang Exchange Commission ang pinakaprangkisa nito at inihabla pa ang kanyang mga lider. Hindi ko alam kung may kaugnayan ang malapit na pagkakaibigan nina Pangulong Duterte at Pastor Quiboloy sa nangyari sa KAPA. Pero, ako ay naniniwala sa karma o poetic justice.
-Ric Valmonte