Aminado ang Japanese bomber na si Naoya ‘Monster’ Inoue na kilalang-kilala niya ang kanyang karibal na si Pinoy boxer at three-division titleholder na si John Riel Casimero.
Sa katunayan, inilarawan ni Inoue si Casimero sa apat na salita, agresibo, mapanganib, mabangis at malakas manuntok.
Makakaharap ni Inoue, ang title holder ng World Boxing Association at International Boxing Federation sa bantamweight division si Casimero, na siya namang may tangan ng World Boxing Organization crown ngayong Abril 25 sa Mandalay Bay sa Las Vegas.
Sa isang press conference na ginanap sa Tokyo, ipinahayag ni Inoue na handa siya na harapin sa ikalawang mortal na kalaban na si Casimero matapos ang kanyang mabangis na pakikipaglaban kontra kay Nonito Donaire nitong nakaraang taon.
Sa katunayan, nagsimula na si Inoue ng isang mahalagang yugto sa
kanyang itinatayong unification duel kay Casimero, kung saan
sinabi nito sa mga Japanese media na nagsimula na siya na sumabak sa
sparring.
Ito ay sa kabila ng pagkakaroon ng tama ang bahagi ng kanyang mata, o ang orbital bone nito sa laban kontra kay Donaire, na tinalo niya sa isang kapanapanabik na sagupaan, sinabi naman niya na tuluyan nanag gumaling ito.
Tangan ni Inoue ang 19-0 kasama ang 16 KOs win-loss record, kontra sa record ni Casimero na 29-4 kasama ang 20 KOs win-loss, bagama’t inamin niya na haharap siya sa isang matinik na kalaban.
Si Casimero ay naging WBO king apat na linggo matapos ang kumbinsidong panalo ni Inoue kontra kay Donaire nang talunin niya ang pambato ng South Africa na si Zolani Tete sa tatlong umaatikabong rounds na ginanap sa Birmingham, England.
Bago pa man ang kanyang pagwasak kay Tete, nakuha ni Casimero ang mga world title sa light-fly (108 lbs) at fly (112 lbs) division.
Para kay Inoue, ang mapatumba si Casimero ay magsisilbing isang makasaysayang pangyayari sa kanyang boxing career gayung siya ang magiging kauna-unahang Japanese boxer na magkakaroon ng tatlong title belt, na sabay sabay.
Upang paghandaan si Casimero, sinimulan na ni Inoue na mag-ensayo sa Japan habang maaga upang magamit naman niya ang huling tatlong linggo para sa kanyang ensayo sa US.
Bago pa man magwagi ng titulo sa bantamweight, nagwagi na si Inoue ng mga world title sa light-fly at super-fly (115 lbs) division.
-Nick Giongco