Determinado si James Yap na magpakondisyon at makaiwas sa mga injury, upang makasabay sa mga batang manlalaro ng Rain or Shine ngayong pagsabak nila sa 2020 season ng PBA.

james yap

Ang 37-anyos a si Yap ay kasalukuyang naghahanda para sa pangmalakasang labanan, matapos na magkaroon ng injury sa may singit nitong nakaraang taon.

“Siguro more on running kami ngayon dahil maraming mga bata. Excited na ako. Sana healthy lang ako lagi para kahit papaano, makasabay sa kanila,” pahayag ni Yap.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Suportado umano ni Yap ang naging aksyon ng management ng Elastopainters na kumuha ng mga batang manlalaro kung saan pinapirma nito sa kanilang hanay ang mga rookies na sina Adrian Wong, Clint Doliguez, Vince Tolentino, at Prince Rivero.

Nakikita din niya ang mga potensyal ng mga rookie nila na sasamahan pa ng mga maliliksing kabataan na sina Rey Nambatac at Javee Mocon.

“Nakita ko sa mga rookies namin, akala mo hindi mga rookies. Ang gagagling at ang bibilis. Kung titignan mo, parang beterano na maglaro. Sana makatulong sila sa team at makapag-adjust sila agad sa sistema,” ani Yap.

Pito sa 11 laro ng Elastopainters noong Governors’ Cup ang hindi nalaruan ni Yap sanhi ng kanyang groin injury., ngunit ayon sa dating PBA MVP na malakas na muli ang kanyang pangangatawan ngayon at handa nang sumabak sa labanan para sa kanyang koponan ngayong 2020 season.

“So far, so good. Healthy pa naman. Kinausap ko si coach na, ‘Coach, kapag may nararamdaman ako na medyo hindi maganda, excuse na muna ako ah.’ Sabi niya, wala namang problema. Thankful ako kay coach na understanding siya,” ayon pa kay Yap.

Bukod sa pagpunta sa mga ensayo, personal din siyang nagwo-work out upang ihanda ang kanyang sarili sa maaksyong labanan.

“Last conference, hindi ako masyadong nakapaglaro dahil na-injured ako sa groin. Ngayon, ‘yun ang pinapalakas ko. Lahat ng parts ng body ko, pinapalakas ko. Kailangan maka-sustain ako,” ayon pa kay Yap.