SINA Cristine Reyes at Xian Lim lang ang humarap sa mediacon ng pelikula nilang Untrue na handog ng Viva Films at line produced ng Ideafirst Company mula sa direksyo ni Sigrid Andrea Bernardo. Ayon sa taga-Viva ay may lakad daw ang direktor.
Tinext namin si direk Sigrid at nabanggit niya na may solo siyang presscon daw sa Pebrero 10, sabagay habol pa naman dahil Pebrero 19 naman ang showing ng Untrue.
Nabanggit namin kay direk Sigrid ang paglalarawan sa kanya nina Cristine at Xian na perfectionist siya sa lahat ng eksena hindi puwede ang ‘puwede na ‘yan, ayusin na lang sa post prod.’ Gusto raw ng direktor na perpekto ang lahat ng kuha at hindi puwede ang katwirang hindi puwede.
“Totoo naman din ‘yung sinabi nila,” sagot sa amin.
Sa madaling salita, nu’ng nag-shoot na ang dalawa sa Tbilisi, Georgia ay hindi pa rin perpekto kahit na may rehearsal na silang ginawa sa Pilipinas.
“May workshop sila at mahirap kasi talaga ‘yung mga character nila, pareho rin silang nahirapan.
“Ito (Untrue) na yata ang pinakamahirap na pelikulang nagawa ko, considering the weather in Georgia, winter kasi noon (Pebrero). Tapos acting piece pa kaya bantay talaga ako sa acting plus suspense drama pa, so lahat mahirap,” paliwanag ni direk Sigrid.
Inalam namin kung sino kina AA (palayaw ng aktres) at Xian ang madalas niyang i-cut kapag hindi nakuha ang tamang pag-arte, “naku ‘wag na, pareho naman sila.”
Isa rin sa nabanggit sa mediacon na parehong second choice sina Cristine at Xian sa Untrue dahil dapat ay kay Claudine ito na inayunan naman ni direk Sigrid.
Sino ang aktor dapat dahil hindi ito nabanggit at kaya nagpalaki rin ng katawan si Xian ay dahil kailangan sa karakter niya.
“Oo, dapat kay Claudine so, dapat mas older noon. Noon na-consider si Aga (Muhlach) at Piolo,” pag-amin ng direktor.
At dahil nag-decline na noon si Claudine kaya hindi na umabot ang offer ng Viva kina Aga at Piolo.
Nabanggit sa amin noon ni direk Sigrid na ang Viva ang nag-recommend kina Cristine at Xian para sa Untrue at bumilib naman siya dahil willing gawin ng dalawang artista ang pelikula at willing din mag-workshop.
“At willing din silang gawin ang love scene kasi nagandahan sila sa kuwento”.
At base nga sa trailer ng Untrue na ipinakita sa mediacon ay ang ganda ng kuha at may mala-Christian Grey scene pa si Xian dahil nakitang nakatali ang mga kamay niya.
Tinanong namin kung ano naman ang karakter ni Rhen Escano sa pelikula bilang introducing, sabi nina Xian at Cristine ay sa twist malalaman.
“Ayy secret, spoiler na ‘yun, panoorin n’yo muna. Abangan n’yo si Rhen, mahusay siya dito,”saad ni direk Sigrid.
Oo naman, mahusay nga si Rhen sa pelikulang Adan kasama si Cindy Miranda na idinirek ni Yam Laranas.
Anyway, abangan ang Untrue sa Pebrero 19 at malalaman din sa pelikula kung bakit sa Georgia kinunan ang pelikula dahil kapit ito sa istorya na sinulat ni direk Sigrid na siya ring nag-direk.
-Reggee Bonoan