MALAKING bilang ng mga Pilipino—pito sa bawat 10—ang pabor na ipagbawal ang paggamit ng single-use plastics, ayon sa isang survey na isinagawa kamakailan ng Social Weather Stations.
Tinukoy ng mga respondents ang mga uri ng plastic na dapat kontrolin—straws at stirrers, transparent bags, styrofoam o polystyrene food containers, sachets, tetrapacks, drinking cups, cutlery, juice packaging, at water containers. Malaking bilang din—nasa 68 porsiyento—ang nagnanais na mailagay sa mga recyclable o refillable containers ang mga food condiments sa halip na sa mga pakete na itinatapon matapos gamitin ng isang beses.
Ipinakikita rin sa survey na batid ng mga Pilipino ang problema na nagbibigay-banta sa buong mundo sa kasalukuyan. Matagal nang nagbabala ang mga siyentista hinggil sa bundok ng mga plastic na basurang natatambak sa mga karagatan ng mundo, isang problema na patuloy na lumala sa nakalipas na mga taon dahil hindi naman nabubulok ang plastic. At maaari itong tumagal ng higit 450 taon.
Higit na nabatid ng mundo ang problema, nang magsimulang maglutangan ang mga patay na balyena at mga lamang-dagat sa mga dalampasigan kung saan nakita sa mga tiyan nito ang mga plastic na basura. Kalaunan, nadiskubre ng mga siyentista ang mga microplastics sa laman ng mga isda na kinakain ng mga tao. Dahil dito, malinaw na isang problemang pangkalusugan na rin ng mga tao ang basurang plastic.
Nakatitiyak naman ang United Nations Environment Program na sa kasalukuyang dami ng nalilikhang plastic ng mundo, inaasahan ang nasa higit isang bilyong tonelada ng basurang plastic sa mga landfills at mga dagat pagsapit ng 2050. At isa nga ang Pilipinas sa itinuturing na world’s worst plastic polluters, kasunod ng China at Indonesia.
Noong Mayo 2019, sumang-ayon ang nasa 180 bansa sa isang United Nations agreement na maghihigpit sa pag-aangkat ng plastic wastes. Ngayon, lumilikha na ang mga bansa ng India, Australia, Indonesia, United Kingdom, at United States ng teknolohiya na magpo-proseso sa plastic upang maihalo sa aspalto sa paggawa ng kalsada. Habang sinimulan na rin ng mga kumpanya tulad ng Coca-Cola ang pangongolekta at pagre-recycle ng kanilang mga bote at takip.
Sa Pilipinas, inanunsiyo ng industriya ng plastic sa pamamagitan ng Philippine Plastics Industry Association ang isang programa para sa boluntaryong pagbabawas ng produksyon ng mga miyembro nito. Maraming restaurant at mga hotel ang gumagamit na ngayon ng mga carton boxes para sa mga pagkain nila. Habang ilang lokal na lungsod na rin, tulad ng Quezon City, ang nagbawal na sa paggamit ng single-use plastics. Mayroon na ring mga panukalang-batas upang limitahan ang industriya nito, sa Kamara at Senado.
Sa kabila ng lahat ng ito, dapat na magmula ang pinakamalaking pagsisikap upang solusyonan ang problema, sa sarili—ang mga pumupunta sa mga restaurant, ang mga namimili sa palengke, ang mga umiinom ng gamot araw-araw. Sa pinakabagong survey ng SWS, lumalabas na 71 porsiyento ng mga tumugon ang pabor sa pag-ban ng mga single-use plastics.
Hindi na nila dapat pang hintayin ang desisyon ng pamahalaan. Dapat na nilang simulan natin sa ating sarili ang pag-iwas sa mga gamot na nakalagay sa pakete, pagtanggi sa paggamit ng stirrers at straw sa mga kainan, at sa halip ay gumamit na lamang ng mga papel, karton, tela, buri, abaca, at iba pang natural na materyales para sa kanilang pagbebenta at iba pang aktibidad.