“NAATASAN kami ngayon na palawakin ang sakap ng aming pag-aaral upang isama ang paunang pagtaya sa magiging epekto ng posibleng pagputol sa VFA. Ang pagkakaintindi, nagbanta lamang ang Pangulo, pero hindi nagbigay ng kautusang wakasan ang VFA. Kaya, hiniling ng kanyang opisina na pag-aralan ang magiging epekto ng terminasyon,” wika ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa mga mamamahayag pagkatapos niyang isumite sa Malacañang ang kanyang memorandum.
Ang memorandum na ito ay naglalaman ng opinyon ng Department of Justice hinggil sa kung paano wawakasan ang Visiting Forces Agreement dahil ito ang unang iniutos ni Pangulong Duterte sa DoJ nang magbanta ang Pangulo na kakanselahin niya ang tratado kapag hindi ibinalik ang visa ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. Eh si Foreign Secretary Teddy Locsin mismo ang nagsabi na: “Seryoso sa kanyang paninindigan ang Pangulo na wakasan ang VFA.” Kaya, naitanong ko tuloy kung sino ang kukurap, ang Pangulo o ang Kano? Ang Pangulo pala gayong wala pang reaksyon ang mga Kano.
“Hindi ito desisyong batay sa kapritso kundi pinag-aralang kasagutan sa paghihimasok at atake sa soberanya ng Pilipinas,” wika ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa pagdepensa niya sa Pangulo sa layunin nitong tapusin na ang VFA. Fake news itong inihayag na ito ni Panelo. Hindi masasabi ito ng Pangulo. Banyaga sa kanya ang soberanya. Kaya nga niya ibinasura ang arbitral ruling na napanalunan ng ating bansa dahil wala siyang pakialam sa ginagawa ng China sa West Philippine Sea. Kahit ba ang bahagi ng ating exclusive economic zone ay gawin nitong isla upang maging paliparan at imbakan ng mga kagamitang pangdigma. Kaya fake news itong ipinaangkin ni Panelo na dahilan ng Pangulo sa pagnanais niyang wakasan ang VFAay dahil ang ginawa nitong sangkalan ay ang pagkakansela ng Amerika sa visa ni Sen. Bato. Hindi ba kapritso ang kanyang ginawang dahilan? Ang pakikitungo natin bilang bansa sa isang bansa ay nakaangkla sa personal na interes lamang ng isang tao.
Kung pinag-aralan ng Pangulo ang silakbo ng kanyang damdamin laban sa VFAdahil sa ginawa ng Amerika kay Sen. Bato, bakit ngayon lang niya iniutos kay Justice Secretary Guevarra ang pagaralan ang magiging paunang epekto sa bansa kapag winakasan ang VFA? Bakit ayaw namang sarilinin ni Guevarra ang tungkuling ipinagagawa sa kanya ng Pangulo? Ayon sa kanya, imumungkahi niya sa Malacañang na pulungin ang Cabinet Cluster on justice and security at ang VFACommission na gagawa ng malalim at komprehensibong pag-aaral ng magiging epekto ng pagkansela sa VFA. Nararapat na ito ang mangyari dahil bihasa sa isyu ang mga mag-aaral kabilang na rito ang Department of National Defense, Armed Forces of the Philippines, Department of Interior and Local Government, Department of Foreign Affairs, National Bureau of Investigation, National Intelligence Coordinating Agency at Office of the Executive Secretary.
Iba talaga si Pangulong Digong. Mula sa kawalan, gagawa ng mga mabibigat na polisiya at desisyon saka pagaaralan ng kanyang mga katoto. Hindi kaya may mas mahalagang isyu ang gustong takpan sa ginawang ito ng Pangulo?
-Ric Valmonte