MAHIGIT na isang milyong evacuees ang bumalik sa kani-kanilang tahanan pagkatapos ibaba ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang alert level ng posibilidad ng pagputok ng Bulkang Taal nitong nakaraang linggo.
Mula sa 4 ibinaba sa 3, pero hindi nangangahulugan na nanahimik na ang bulkan. “Patuloy ang panganib. Batay sa kanyang kasaysayan, tatahimik muna ito at pagkatapos ay sasabog,” wika ni Director Renato Solidum ng Phivolcs sa mga mamamahayag. Ang pagdami ng evacuees ay naganap nang palawakin ng Phivolcs ang sakop ng maaaring maapektuhan ng pagsabog muli ng bulkan mula 7 hanggang 14 na kilometro at sa loob nito ay ipinalikas o pUwersahang pinalikas ang mga residente. Ni-lockdown ang mga lugar upang mapigilan ang mga residenteng nagpupumilit bumalik. Pero sa pagbaba ng alert level, ibinalik ang 7 kilometrong radius na sakop ng nasa bingit pa ng panganib mula sa kalagayan ngayon ng bulkan. Pero, inerekomenda ni Solidum na ang mga lugar na nasa kanluran ng bunganga ng bulkan ay ipagbawal munang balikan ng mga residente.
Kapag nagpatuloy ang kasalukuyang kalagayan ng bulkan, maaaring ibaba ito sa alert level 2. “Hindi mananahimik ang gobyerno. Lagi kaming alerto sa mga sakuna. Lagi kaming handa,” wika ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo. Kung totoo mang handa ang gobyerno, sa sitwasyon nating dukha ang bayan, ang pinanglulunas nito ay napakapait na pildoras. Kung hindi nakamamatay, hindi naman nakapagpapaginhawa. Kaya, nilalabanan ng mga tao na kanyang inililigtas. Ganyan ang nangyari sa ginawa ng gobyernong iniligtas ang mamamayan sa sakunang dulot ng pagputok ng Bulkang Taal. Pinaiiwan lamang ang kanilang mga tirahan. Pero, dito sila nabubuhay na kapag iniwan nila ang mga ito, iniwan din nila ang kanilang tanging ikinabubuhay. Kaya, sa kabila na mga sundalo at pulis na ang nagpapalikas sa kanila, nagmamatigas silang manatili sa kanilang lugar. Sa mga nakalabas na sa danger zone, pilit pa rin silang bumabalik dito kahit may babala na baka sila mapahamak.
Ganitong uri ng remedyo ang ginamit ng gobyerno sa paghahangad nitong iligtas ang mamamayan ng Marawi sa mga umano ay kumubkob na terorista. Pinaulanan ng mga bomba ang lugar, nagiba ang mga ari-arian at pinalikas ang mga tao. Kaya, tulad ng mga mamamayan na nabulabog ng Bulkang Taal, kung saan-saang nakisilong ang mga taga-Marawi. Pero, hindi gaya ng mga taong pinalikas sa dangerous zone ng Bulkang Taal na nakabalik sa kanilang tahanan pagkatapos humupa ito, hanggang ngayon sila ay nasa evacuation center o pansamantalang tirahan. Hindi lang ang Marawi, kundi ang buong Mindanao ang isinailalim sa martial law sa loob ng halos tatlong taon. Kung hindi lang sa mga sunod-sunod na kalamidad sa lugar, kabilang na ang bagyo at lindol, baka pinalawig pa ito. Nasa kategorya ring ito ang inilapat na lunas sa pagkalat ng African swine fever na pumeste sa mga baboy. Lahat ng baboy sa loob ng 1 kilometer radius ay pinagpapapatay. Kung may sakit man ang mga ito o wala ay hindi mahalaga. Bakit hindi papalag ang mga nag-alaga ng baboy na naapektuhan ng remedyo?
Totoo, ang pangunahing layunin ng pagsagip ay kaligtasan ng buhay, pero ano naman ang halaga nito kung ang tao ay parang isdang sa tubig nabubuhay na kapag iyong inalis ay mamamatay. Ang kahandaan sa pagsagip ay ialis ang tao sa panganib at ito naman ay kapag nailigtas ay panatag ang kanyang kalooban na mabubuhay siyang muli tulad ng dati.
-Ric Valmonte