NAGTALA ng rekord si United States President Donald Trump nang mag-tweet siya ng 142 beses sa loob ng isang araw nitong Miyerkules, Enero 22. Nasa Davos, Switzerland siya nang magsimula siyang magpaskil ng mga komento tungkol sa kamakailan ay trade deal kasama ang China, na hinaluan ng tweets tungkol sa kanyang “very successful” na panahon sa World Economic Forum sa Davos, binudburan ng mga komento sa pagbubukas ng kanyang impeachment trial sa Senado.

Nag-tweet siya ng 41 beses mula 6:00 hanggang 7:00 ng umaga sa Davos. Nagpatuloy siya sa tweet kada 88 segundo, ayon sa Factbas.se, na sumusubaybay sa tweets at speeches ni Trump. Lumipad siya pauwi nitong Miyerkules at pagsapit ng hapon, mayroon na siyang mahigit 120 tweets. Nalagpasan nito ang nauna niyang presidential record na 123 messages, naitala noong Disyembre 12, 2018. Pagsapit ng hatinggabi, nagkaroon siya ng kabuuang 142 – ang bagong presidential record.

Ngunit ang 142 tweets ay ang record lamang ni Trump bilang president. Ang kanyang all-time record ay 161, na naitala noong Enero 5, 2015, na kinabibilangan ng pagbaha ng tweets ng quotes mula sa fans ng “Celebrity Apprentice,” isang documentary reality program na hosted ni Trump, na noo’y isang real estate developer.

Sa nakalipas na dalawang taon at dalawang buwan na si Trump ay naging US president, madalas niyang gamitin ang tweets para birahin ang mga kritiko, na nagtatanong kung ang mga tweet na ito ay official statements o personal lamang niyang pananaw. Sa isang survey sa US, sinabi ng 73 porsiyentong tinanong na ang mga tweet ni Trump ay dapat ituring na personal views lamang niya. Mismong ang White House ang nagsabing ang tweets ay official statements.

Ang ating sariling si Philippine President Duterte ay hindi mahilig sa tweets, mas pinipiling direktang magsalita sa audience sa mga lengguwahe na binatikos din. Kamakailan lamang, sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na hindi dapat literal ang pagtanggap sa mga sinabi ng President, gaya nang sabihin niyang papatayin niya ang mayayaman. Ang talagang ibig niyang sabihin ay papatayin ang ganid ng mayayaman, ayon kay Panelo.

Isang miyembro ng gabinete na regular mag-tweet ay si Foreign Secretary Teodoro Locsin Jr., na naipit sa gitna ng diplomatic controversy matapos siyang mag-tweet nitong Biyernes na ibabasura niya ang anumang alok na blood money para sa Filipino worker na si Jeanalyn Padernal Villavende na pinaslang sa Kuwait. “I reject any offer of blood money for the torture/murder,” tweet niya. At idinagdag na hindi rin niya tatanggapin, ang improvement sa labor standards ng Kuwait. “All I care about is blood for blood.”

Ang tweet ay kinondena ng state-run Kuwait News Agency, sinipi ang isang official source sa Kuwait Ministry of Foreign Affairs. Tila napaka-undiplomatic nito. Ngunit ito ay isang tweet, hindi official statement ng Department of Foreign Affairs.

Ang tweets ay naging bahagi ng ating bagong mundo ng komunikasyon. Madalas na itong gamitin ni US President Trump para magsalita sa bawat isyu. Ang ating mga sariling opisyal sa Pilipinas ay dapat na magdesisyon na magkaroon ng kasunduan kung dapat na ba nating tanggapin ang tweeting – tulad ni US President Trump – bilang isang paraan ng pagpapahayag ng gobyerno ng mga pananaw at pag-aanunsiyo ng policy decisions at opisyal na hakbang.