Sa set visit namin sa GMA afternoon seryeng Madrasta ay isa si Gladys Reyes ang nakatsikahan namin.
Kinumusta namin siya at kung ano na ang latest updates sa kanya ngayon?
“Ohh, ganu’n pa rin. And we’re happy na we are still doing Madrasta and it’s 2020 na. Actually, January 2 na nu’ng mag-resume kami ng taping. Kami yata ang isa sa pinakamaagang nag-resume ng taping sa GMA Network.
“So happy naman po kami sa result and outcome kasi lately siyempre nakakatuwa kasi yung mga tao dahil sa development ng story ay parami nang parami ang nanonood.
“So grateful kami…lalo na siyempre sa GMA7 kasi hanggang ngayon, ayan, pinagkakatiwalaan pa rin nila ako at binibigyan pa rin ng mga projects,” simula niyang kuwento.
Sa tingin niya, bakit siya pinagkakatiwalaan ng GMA Network lalo na sa role niya sa Madrasta?
“Hahaha! Sa tingin ko kaya nila ako pinagkakatiwalaan siguro alam nila na kontrabida lang ako sa palabas pero….katiwa-tiwala naman ako sa totoong buhay, hahaha!”
Anu-ano ba ang mga eksenang nagustuhan niyang gawin sa Madrasta serye nila?
“Di ba si Manilyn Reynes napakahinhin. Eh, may scene kami na magsasampalan eh, di siyempre, tinanong ba naman niya ako kung totohanin namin?
“Eh, biglang nag-take na. Eto na ngayon…ako ang unang sinampal ni Manilyn. Eh, hindi ako masyadong pinatamaan so siyempre ganun din ang ibinalik ko. Eh, biglang sumigaw si Direk ng CUT!
“Hindi yata nagustuhan, kaya pinaulit sa amin. Kaya ang sumunod na eksena totohanang sampalan na kaya nagustuhan ni Direk.
“Pero after nu’n, after ng take, nag-akapan na lang kami ni Manilyn.
“Ang mas matindi yung kay Thea Tolentino na eksena namin na sampalan kung sampalan talaga. Nagkasakitan talaga kami ng husto. Talagang namaga ang mukha niya sa sampal ko. Pero maganda naman ang kinalabasan ng eksena. Good take daw kami sabi ni Direk.
“After that scene nag-akapan na lang din kami ni Thea. Yun nga lang talaga namaga ang mukha niya.”
Hindi naman siya nagalit sa iyo?
“Ay, hindi. Napaka-professional niya at talagang magaling siyang artista.
“Kaya nu’ng napanood yung eksenang yon ng isa kong anak, sabi sa akin, “Mama, you’re so bad!” natawa lang ako sabay sabing “Anak, it’s only a role in TV”. Saka matatalino na ngayon ang mga televiewers. Hindi na sila naniniwala na kapag kontrabida ang role mo ay talagang masama ka na. Minsan nga meron akong nakasabay, sinabihan akong…”alam mo ang bad bad mo sa Madrasta but…I like you.” Kaya smile na lang ako at nag-thank you sa kanya.
“Dito talaga sa Madrasta walang maliit na role. Lahat ang gagaling umarte.” Ang medyo mahaba-habang litanya pa ng Gladys sa amin.
In real life, hands on itong si Gladys sa pag-aalaga sa kanyang mga anak katuwang ang mister niyang si Christoffer Roxas at tulong-tulong din sila sa pag-aasikaso ng kanilang resto bar business sa may bandang Sta. Lucia, Cainta Rizal na pinangalanan nilang Estela Bar.
Kumbaga, pareho lang sila nang kanyang kasabayang artista na si Judy Ann Santos na nagtayo ng restaurant business after nilang sumikat sa seryeng Mara Clara.
And in pernes, sa totoong buhay ay napakabait at masayahing tao itong si Gladys Reyes o Mrs. Christoffer Sommereux, at hindi niya nalilimutan ang mga dinatnan na niyang mga entertainment writers nu’ng kabataan pa niya at panahon ng kasikatan nila noon ni Juday sa Mara Clara. Until now, kahit bihira kaming magkita, knows pa rin niya ang name at fezlak ni yours truly with matching dialogue ng…”Tamers, di ka pa rin nagbabago…bagets pa rin ang looks mo, ha!” na siyempre sarap sa pandinig coming from nag-iisang Gladys Reyes Sommereux na tipong may pusong mapagkumbaba ‘di tulad ng ibang sumikat noon, tipong may tamang limot na ata sa ngayon.
Kaya naman ang kanyang Moments show sa Eagle Broadcasting ay patuloy na umeere sa mundo ng telebisyon na mahigit nang isang dekada sa ngayon!
-MERCY LEJARDE