KUNG mayroon mang bagay na talagang nakapagpapainit ng ulo ng maraming Pilipino sa ngayon, ito ay ang pagtaas ng bilang ng mga kaso na kinasasangkutan ng mga Chinese national sa bansa na nagtatrabaho sa mga Philippine offshore gaming operators (POGO) outlet, sinisira ng mga dayuhang ito ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa kapayapaan at kaayusan. Nababahiran din nito ang magandang pagkakakilanlan ng mga law-abiding Filipino Chinese.
Ang malala pa rito, ang kanilang mga pang-aabusong ginagawa ay ikinagagalit na nang husto maging ng mga nananahimik na Pinoy, na biglang nagtaas ng kanilang mga boses upang ipanawagan sa pamahalaan ang aksiyon upang maihinto ang mga pang-aabuso at kung maaari, ay maipa-deport, kasuhan o makulong ang mga ito.
Sa nakalipas na mga buwan, madalas nating marinig ang pagkakasangkot ng mga Chinese POGO players sa extortion, kidnap for ransom, prostitusyon, ilegal na negosyo, ilegal na paggawa ng mga sigarilyo, sugal , money laundering, ‘di pagbabayad ng buwis, panggugulo at maging sex trafficking.
Dagdag pa rito ngayon, ang ‘di kaugnay na isyu ng China tulad ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS), ang 2019 Novel CoronaVirus, at Asian Swine Fever na higit na nagpapalakas ng panawagan para sa agarang aksiyon na inilalarawan bilang isang “abuse of Filipino hospitality.”
Malaking bilang ng mga mangagawang Chinese sa bansa ngayon ang walang dokumento. Hindi lamang nila inaabuso ang ating batas; sangkot din sila sa mga ilegal na gawaing na nagbibigay insulto sa ating soberanya.
Marahil dahil sa inis hinggil sa lumulobong listahan ng krimen na kinasasangkutan ng mga pasaway na Chinese, nagsagawa na ng hakbang ang Malacañang at hinikayat ang Kongreso na siyasatin ang mga kaso. Bilang tugon, agad na naglabas ng inisyal na imbestigasyon ang lehislatura upang tugunan ang problema.
Higit sa ikinikonsidera ng marami hinggil sa isyu ng pambansang seguridad, na ang pagkakasangkot ng mga Chinese national sa mga krimen ay humahati sa atensiyon ng pambansang kapulisan para magtalaga ng malaking bahagi nito para sa peace and order. Bilang resulta, maraming mabibigat na krimen na dapat sanang napagtutuunan ang naisasantabi na lamang.
Ang paulit-ulit na mga pang-aabuso ito ay nangyayari sa gitna ng mahigpit na pagsusulong ng mas magandang ugnayan ng Pilipinas at China. Kumilos din naman ang pamahalaan at nagdesisyon na pag-aralan ang operasyon ng mga POGO sa bansa, upang matukoy kung kailangan na nga bang mahinto ito.
Gayunman, bilang tungkulin, kailangan din nating protektahan ang mga Filipino-Chinese, ang mga ipinanganak sa bansa at mga naturalized, mula sa mga bagay na naglalagay sa kanila sa alanganin at ang pagsisi sa kanila para sa mga bagay na hindi naman nila kasalanan. Sa maraming pagpapasalamat, malaki ang naitulong ng mga Pilipinong may dugong Chinese sa pag-unlad ng ating bansa, kaya naman nararapat lamang silang purihin, irespeto at proteksyunan.
Karapat-dapat lamang na paalisin ang mga abusadong Chinese nationals.
-Johnny Dayang