KUNG hindi lang kami nagpigil ng luha namin ay tiyak na nadala na rin kami sa iyakang naganap sa cast ng Kadenang Ginto Finale mediacon nitong Miyerkules ng hapon sa pangunguna nina Beauty Gonzales, Andrea Brillantes, Francine Diaz, Kylie Echarri, Seth Fedelin at Dimples Romana.

andrea1_ reggee

Halos buong cast ng Kadenang Ginto ay iisa ang pahayag nila na malaki ang nabago sa buhay nila dahil sa programa na umabot ng isang taon kaya panay ang pasalamat nila sa ABS-CBN at Dreamscape Entertainment executives.

Isa na si Andrea na nakapagpatayo ng bahay dahil sa programa.

Relasyon at Hiwalayan

Jak masaya pang sinalubong ang 2025; netizens, napansing iba ang kasama niya

“Gusto ko pong magpasalamat sa show na ito kasi bago po dumating ang Kadenang Ginto ay medyo lost po ako, sobrang nagdadasal ako kay Lord na sana bigyan ninyo ako ng show kung saan mapapatunayan ko talaga ‘yung pag-acting ko, bigyan n’yo lang po ako ng blessing o opportunity at promise hindi po kayo magsisisi,” kuwento ng batang aktres,

Inamin ni Andrea na matagal siyang walang show o raket at kailangan niyang magkaroon dahil breadwinner siya ng pamilya nila.

“Kailangan ko na po ng pera, kailangan ko pong mag-ipon at nang dumating nga po ang Kadenang Ginto, dumating po ang endorsements, blessings na ilang years ko pong ipinagdasal at malapit na pong matapos ‘yung bahay ko, sa April (2020) na po. Pinangarap ko po talagang magkaroon ng bahay kasi nakakapagod po ‘yung laging nagre-rent, aalis ka pupunta ka sa bagong bahay na naman,” kuwento ni Blythe (tunay na pangalan ng bagets).

Pinasalamatan din ng batang aktres ang mga kasama niya sa KD dahil inalalayan siya simula day 1 at ang ka-loveteam niyang si Seth na lagi niyang kausap.

As of now ay wala pang binanggit na kung may follow-up project si Andrea pero siguradong magkakasama pa rin sila ng mga kasama niya sa grupong Gold Squad na sina Seth, Kylie at Francine sa mga raket lalo’t tuluy-tuloy din ang kanilang Youtube channel.

Samantala, sa huling dalawang linggo ng Kadenang Ginto ay mas maraming pasabog pa ang mapapanood ng mga tagasubaybay nito tulad ng patuloy na mababalot sa paghihiganti ang mag-inang Romina (Beauty) at Cassie (Francine) laban kina Daniela (Dimples) at Marga (Andrea) hangga’t hindi nila nakikita ang pagbagsak ng isa’t isa.

Matapos ang pagkamatay ni Carlos (Adrian Alandy) habang ipinagtatanggol si Romina ay iigting ang paniniwala ni Daniela na ang huli ang dahilan ng pagkawala ng lahat sa kanya, habang titindi naman ang poot sa puso ni Marga.

Gayunpaman, desidido rin si Romina na mapatunayan na ang lahat ng pagtatangka sa kanya at ng kanyang pamilya ay kagagawan ni Daniela.

Ngunit mahihirapan si Romina na ilabas ang katotohanan dahil sa pagtulong ni Hector (Joko Diaz) at ng espiyang hindi pa niya kilala ang katauhan.

Patuloy naman ang pagtatago ni Cassie upang ipalabas na patay na siya, samantalang manghihimasok sa gulo si Marga dahil sa kutob niyang buhay pa ang tiyahin.

Sino kaya kina Romina, Daniela, Cassie, at Marga ang matitirang buhay?

Patok din ang teaser na The Battle of the Dragons, ang pagtatapos ng naturang serye na umere ng higit sa isang taon. Bukod sa mataas na ratings, nakapagtala ito ng milyun-milyong views sa YouTube at naging patok sa netizens ang mga memes na mula sa serye.

Ipinapalabas na ang KD sa Myanmar at kasalukuyang umeere ang Indonesian adaptation nito.

Naging daan din ang serye sa pagsikat ng hit teen quartet na The Gold Squad, na binubuo nina Andrea, Francine, Seth Fedelin, at Kyle Echarri, na nakapaglunsad na ng kani-kanilang digital movies sa iWant at nakapaghakot na ng 1.8 milyong subscribers sa YouTube channel nila.

-REGGEE BONOAN