ISA si Yam Concepcion sa dumalo sa ginanap na Viva Vision 2020 bilang exclusive contract artist ng Viva Artist Agency nitong Martes sa Novotel, Araneta City, Quezon City at masaya siya dahil sa loob nang sampung taon niya sa Viva Films ay nagkaroon na siya ng dalawang pelikulang siya mismo ang bida, ang launching movie niyang Rigodon (2012) at ang Nightshift na kasalukuyang ipinapalabas ngayon sa mga sinehan. Taong 2011 nagsimula siya at magsa-sampung taon na siya at nakatakdang magre-renew ng panibagong limang taon sa VAA.
Tsinek namin ang Filmography ni Yam at naka-16 movies na pala siya sa Viva Films, “oo, ‘yung iba puro extra lang, pero may iba, leading lady naman ako,”sambit ng aktres.
At ang TV series naman ay naka-siyam na siya bukod pa sa TV guestings na 11 shows base sa Wikipedia.
Dahil magre-renew ulit ng kontrata si Yam sa Viva ay iisa lang ang ibig sabihin, kuntento siya sa management company niya.
“So far kuntento naman po sa mga project na ibinibigay nila sa akin,” saad ng dalaga.
Very open din ang aktres sa kanyang kumpanya kung ano ang ayaw at gusto niya.
“Oo, kailangan open ka sa lahat, kung ayaw mo, ayaw mo!”
May mga natanggihan na ring project si Yam sa Viva hindi dahil hindi niya gusto ang role kundi hectic sa schedules niya.
“Mayroon din kasi nga hindi dahil ayaw kong gawin or because of the story kundi dahil sa timing lang kung kailan gagawin kasi hindi malagay doon sa schedule. Lalo na kapag may teleserye kang ginagawa, ang hirap ding magpelikula kasi puyat-puyat ka at hindi dahil sa role, kundi sa schedule po,” paliwanag mabuti ng dalaga.
At dahil kuntento si Yam sa pagma-manage sa kanya ng Viva ay tinanong din namin kung kuntento siya sa kinakaltas na komisyon sa kanya dahil sabi ng kapwa niya artist ay malaki ang porsiyentong kinukuha sa kanila.
Natawa ng husto si Yam, “ha, ha, ha grabe naman. Matagal ng ganu’n ‘yung kinakaltas pero okay lang din maganda naman ‘yung mga returned sa akin.”
Natanong din ang dalaga kung nagtatanong din siya pagdating sa kinikita niya.
“Siyempre ma-kuwestiyon din, ha, ha, ha. Siyempre kayo rin, ‘di ba? Tumaas naman na (talent fee). Pera na ngayon ang pinag-uusapan maganda ‘yan vision-vision 2020,” masayang sabi pa ni Yam.
Kaya namin ito naitanong sa aktres ay sigurado kami na isa lang ito sa mga rason kung bakit gustong kumawala ni Nadine Lustre sa Viva Artist Agency bukod pa sa maraming bagay na hindi sila napagkakasunduan.
At ang paniniwala ni Yam, “well iba-iba naman ang kuwento sa kanya (Nadine), hindi ko na ‘yun kuwento, kuwento niya ‘yun. Sana nga nandito siya para malaman din, naintriga rin ako, ako rin magtatanong din, ha, ha, ha.”
Kung sakaling magkasundo na ang Viva at Nadine na maghiwalay ay open naman si Yam na maka-trabaho ang huli.
“Oo naman hindi naman porke’t umalis na siya sa Viva, eh, magiging isyu rin ‘yun sa akin kasi ano bang kuneksyon sa aming pagta-trabaho in the future?” natawang sagot nito.
Hirit namin na baka siya na ang makakuha ng mga project na inayawan ni Nadine sa Viva.
“Sana, sana naman ano, matagal-tagal na rin akong naghihintay, sabi mo nga, 10 years na rin ako sa Viva. Sana nga mabigyan din ako ng pagkakataon,” nakangiting pahayag ni Yam. At nagbiro pa, “hayaan ninyo pag yumaman na ako, bibigyan ko kayo ng bagong phone. Oo, promise ‘yan kung meron man akong maibibigay, maisi-share, ibibigay ko ‘yun.”
Samantala, hiningan ng komento si Yam kung ano ang gagawin niya kapag ayaw na niyang ituloy ang kontrata o gusto na niyang kumalas na hindi pa expired.
“Parang hindi ko yata kayang gawin ‘yun. Wala akong lakas ng loob gawin ‘yun kasi institusyon na ang Viva, ‘di ba? ‘Yun ang kinakalaban mo? So, ako kung ano ‘yung usapan, gawin natin ‘yung pinag-usapan,” paniniwala ng aktres.
Ayaw niyang i-buy out ang kontrata, “wow, ang yabang naman ng dating, hindi ako ganu’n na tao. Feeling ko kasi ano ako, like any other employee, siguro ako ‘yung employee na loyal sa kumpanya.”
At nabanggit ni Yam na siya ang tipo ng taong marunong tumanaw ng utang na loob, “oo siyempre kasi importante ‘yan. Kahit saang trabaho ka dapat huwag mong kakalimutan kung saan ka nanggaling and kailangang magpasalamat ka kung baga kung sino ‘yung nagpasikat sa ‘yo, kung sino nagbigay sa ‘yo ng trabaho you should always be grateful to them. Mas lalo kang pagpapalain kapag ganu’n ‘yung attitude mo.”
Hiningan ng mensahe si Yam sa pinagdadaanan ngayon ni Nadine bilang kapwa Viva artist.
“Good luck and may God bless you,” say ni Yam.
Anyway, sabi ni Yam na abangan ang Love Thy Woman na eere na sa ABS-CBN Kapamilya Gold sa Pebrero 10 dahil ibang karakter naman ang ipapakita niya na ayon sa kanya ay mas masama siya bilang si Dana Wong kaysa kay Jade sa seryeng Halik kung saan umingay ang pangalan niya.
-Reggee Bonoan